top of page

Karapatan ng customer, bigyang-importansiya… Mabigat na parusa sa pabayang restaurants, dapat lang!

  • BULGAR
  • Jun 6, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 06 2021


Ilang araw nang usap-usapan sa social media ang post ng isang netizen na inirereklamo ang ipina-deliver niyang fried chicken sa isang branch ng sikat fast food restaurant.


Base sa post, makikitang tila manok ang laman, pero nang siyasatin ay isa pala itong tuwalya na ibinalot sa breading at iprinito.


Dahil dito, pansamantalang ipinasara ang branch kung saan ito nagmula at iniimbestigahan ng kumpanya ang pangyayari.


Tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens kung saan ang ilan ay ginawa itong katatawanan at memes, ang iba ay nagpahayag ng opinyon na posibleng sinadya ito, habang ang ilan naman ay dismayado dahil kilala itong restoran at nasangkot sa ganitong insidente.


Samantala, kung katatawanan lamang ito para sa iba, kung titingnang mabuti, marami tayong puwedeng makuha sa pangyayaring ito.


Panawagan sa mga kinauukulan, mahigpit na ipatupad ang Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines para mapangalagaan ang mga konsumer, gayundin upang tumaas pa ang kalidad ng mga produkto at serbisyo, partikular sa mga pagkain.


Matatandaang sa ilalim ng RA No. 7394, ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P1,000, ngunit hindi lalagpas sa P10,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa dalawang buwan, ngunit hindi lalagpas ng isang taon.


Kung kinakailangan, bigatan pa ang parusa sa mga lalabag sa batas na ito para magpursigi ang mga nasa industriya na magbigay ng de-kalidad na serbisyo at produkto sa kanilang mga kostumer.


Bagama’t hindi natin nilalahat dahil marami pa ring restoran na may magandang serbisyo, hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nahalong ibang bagay sa pagkain mula sa kilalang restoran.


Kaya naman, hangad nating magsilbi itong aral at paalala sa mga nasa industriyang ito na seryosohin ang mga protocol at tamang food safety at sanitization para matiyak na ligtas ang mga pagkaing mapupunta sa kostumer.


Tandaan na mahalagang mapangalagaan ang ating konsumer sa lahat ng pagkakataon at hindi lamang kapag may mga ganitong insidente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page