top of page

Kaparusahan sa pagnanakaw ng kalabaw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 28, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2020



Dear Chief Acosta,

Ako ay may alagang limang kalabaw. Noong lumuwas ako sa Maynila, ibinilin ko ang pag-aalaga sa mga ito sa aking kaibigan. Pagbalik ko sa aming probinsiya, napansin kong kulang ng dalawa ang mga ito. Tinawagan ko ang aking kaibigan ngunit hindi ko na siya ma-contact. Gusto ko siyang kasuhan. Mayroon bang partikular na batas sa pagnanakaw ng kalabaw? – Gerry

Dear Gerry,

Ang sagot sa iyong katanungan ay opo. Ayon sa Presidential Decree (P.D.) No. 533 o The Anti-Cattle Rustling Law of 1974, ang sinumang kumuha ng baka, kalabaw, kabayo, asno, o iba pang mga alaga na miyembro ng pamilyang bovine nang walang pahintulot ng may-ari o tagapag-alaga nito ay maaaring makulong. Ang aktong ito ay tinatawag na cattle rustling. Sa kaso ng Pil-ey vs. People of the Philippines (G.R. No. 154941, 9 July 2007), na isinulat ni Honorable former Associate Justice Antonio Eduardo B. Nachura, sinabi ng ating Korte Suprema ang elements ng cattle-rustling, viz:


“Conviction for cattle-rustling necessitates the concurrence of the following elements: (1) large cattle is taken; (2) it belongs to another; (3) the taking is done without the consent of the owner or raiser; (4) the taking is done by any means, method or scheme; (5) the taking is done with or without intent to gain; and (6) the taking is accomplished with or without violence or intimidation against persons or force upon things. Considering that the gravamen of the crime is the taking or killing of large cattle or taking its meat or hide without the consent of the owner or raiser, conviction for the same need only be supported by the fact of taking without the cattle owner's consent.”

Base sa iyong kuwento, maaari mong kasuhan ang iyong kapitbahay sa pagkawala ng iyong dalawang alagang kalabaw dahil ito ay labag sa P.D. No. 533. Malinaw na kinuha ang mga kalabaw nang wala ang iyong pahintulot sapagkat bukod sa hindi mo alam kung nasaan na sila ngayon, hindi mo na rin makontak ang iyong kaibigan na pansamantalang nag-alaga sa mga ito. Ayon sa batas, hindi kinakailangang may intensiyon ang akusado na ipagbili ang hayop na ninakaw o kinuha ito nang may puwersa o wala, sapagkat ang pinakadiwa ng krimeng ito ay ang pagkuha o pagpatay ng mga nasabing hayop o pagkuha ng karne nito o pagtago nang walang pahintulot ng may-ari o tagapag-alaga.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page