Kapakanan ng mga mag-aaral at guro, unahin vs. matinding init
- BULGAR
- Apr 3, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Abril 3, 2024
Dapat isaalang-alang ng mga paaralan ang kondisyon ng mga mag-aaral at tukuyin kung maaari silang mag-face-to-face classes sa gitna ng napakainit na panahon.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Enrique Tayag, suportado nila ang hakbang ng ilang paaralan at local government units (LGUs) na suspendihin ang in-person classes at pansamantalang magpatupad ng alternative delivery modes dahil sa matinding init.
Aniya, tama na unahin muna ang kalagayan ng mga mag-aaral. Kailangan talaga ang mga paaralan na tingnan kung kakayanin ng mga estudyante na pumasok sa mga klase sa tindi ng init ng panahon.
Nauna nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na maaari nang magdesisyon ang mga school heads kung kailangang suspendihin ang face-to-face classes sa kani-kanilang mga paaralan dahil sa umiiral na extreme heat na dulot ng El Niño phenomenon.
Inanunsyo rin ng kagawaran na ang mga estudyante at mga guro ay maaaring magsuot ng mas komportableng damit, alinsunod sa mga dress code, bukod sa kanilang mga regular uniform, upang mabawasan ang init na kanilang nararamdaman habang nasa loob ng mga paaralan.
Sinabi naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-National Capital Region Union na dahil sa patuloy na epekto ng El Niño sa ating bansa, napag-alaman sa kanilang survey na 77% ng mga guro sa pampublikong paaralan ng NCR ay hindi na nakakayanan ang matinding init sa mga klasrum.
Kaya payo ni Tayag sa mga iskul na buksan ang kanilang mga bintana para maganda ang ventilation nito at hikayatin ang mga mag-aaral na uminom ng mas maraming tubig upang hindi sila ma-dehydrate.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte nitong Lunes na maaaring mag-switch o lumipat ang mga paaralan sa blended learning sa gitna ng tumataas na heat index.
Sinabi ni VP Sara na walang problema sa pagsususpinde ng mga klase ng LGUs dahil maaaring magpatupad ang mga iskul ng blended o distance learning.
Ayon sa kanya, mayroon na siyang order sa DepEd na puwedeng mag-switch sa blended learning ang mga paaralan kung meron silang mga nakikita na iba’t ibang problema, kasama na rito kung mainit ang panahon, at kung merong baha o bagyo, nagsu-switch din naman sa blended learning o distance learning.
Giit pa ni VP Sara, kung walang in-person classes, nagpapatuloy pa rin ang pagtuturo sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng mga module.
Tama ang naging pasya ng pamahalaan na suspendihin ang mga face-to-face classes at magpatupad na lamang ng blended learning sa mga lugar na nakakaranas ng matinding init ng panahon.
Malaking tulong ito sa mga estudyante at mga guro lalo na’t lumalala pa ang umiiral na El Niño sa ating bansa.
Higit na makakabuti rin ito para sa kanila, partikular na sa kanilang kalusugan, habang patuloy pa rin ang kanilang pag-aaral o online classes.
Sana lang, palaging maisip ng kinauukulan na unahin ang kapakanan at kalagayan hindi lang ng mga mag-aaral at guro, kundi pati na rin ang buong sambayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
תגובות