Kandidatong pasimuno sa paglabag sa protocol, kulong!
@Editorial | November 14, 2021
Hindi pa man opisyal na nagsisimula ang pangangampanya para sa Halalan 2022, nagbabala na ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato.
Kaugnay ito sa magiging sitwasyon lalo’t papayagan ang pisikal na pangangampanya.
Ayon sa ahensiya, maaaring makulong at hindi makaupo sa ano mang posisyon sa gobyerno ang mga lalabag sa patakarang itatakda nito.
Maituturing na election offense o paglabag sa batas sa eleksiyon ang hindi pagsunod sa patakaran sa physical campaigning.
Kabilang sa mga posibleng parusa ay ang pagkakakulong ng hanggang anim na taon at habambuhay na pagbabawal maupo sa alinmang puwesto sa pamahalaan.
Ilan sa mga naunang pinag-aaralan noon ay ang limitasyon sa dami ng mga dadalong supporters sa isang pagtitipon at kung gaano lamang katagal maaaring magbigay ng talumpati ang kandidato. Kasama rin sa patakaran ay ang usapin sa ginagawang pagbabahay-bahay ng mga kandidato.
Bagama’t ang mga panuntunan ay ibabatay naman sa nakataas na Alert Level System sa isang lugar.
Kaya sa mga kandidato, plis lang matuto tayong sumunod sa batas. Ipakita natin na tayo’y masunurin at hindi pasaway lalong hindi pasimuno ng paggawa ng bawal.
Samantala, malaki hamon din ito sa mismong Comelec, dapat nilang ipakita sa taumbayan na may pangil ang batas.
Kapag may nahuling lumabag, sampolan agad.
Sa panahon ngayon napakadali nang mangalap ng ebidensiya. Sa social media lang, nagkalat na ang mga video at larawan ng mga kandidato na nag-iikot at dinudumog ng publiko. Wala ng social distancing, may mga nakakalimot din sa tamang pagsusuot ng face mask.
Sana ay matigil na ang mga ganitong eksena. Hindi pa tayo tuluyang malaya sa banta ng COVID-19, huwag tayong makalimot, o magpabaya, plis lang.



Comments