Kalbaryo ng mga pasahero ng provincial buses, 'di pa rin tapos
@Editorial | April 27, 2022
Marami na ang nanawagan sa mga awtoridad na ayusin na ang isyu sa hindi pagbiyahe ng ilang provincial buses dahil hirap na ang mga pasahero.
Kasabay nito ang apela rin sa provincial bus operators na sumunod sa kanilang mandato na serbisyuhan ang mga pasahero.
Matatandaang noong nakaraang linggo, matapos ang Semana Santa ay naging kalbaryo ang pagbiyahe papasok ng Metro Manila dahil maraming bus sa mga probinsiya ang hindi bumiyahe.
Bunsod ito ng kalituhan na idinulot ng ‘window hours’.
Sinundan ito ng pagpapalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order sa anim na provincial bus companies para magpaliwanag sa pagkaka-stranded ng maraming pasahero.
Sana ay maayos agad ang kalituhan o 'di pagkakaunawaang ito para bumalik na sa maayos at mabilis na pagbiyahe. Hindi na sana kailanganin ng taumbayan na maghintay nang mahabang oras o mas gumastos pa lalo sa hirap ng buhay ngayon.
Piliin natin ang mas magpapagaan sa ating pamumuhay. Kung may mga 'di pagkakaunawaan, pag-usapan at ayusin agad.
Batid natin na lahat tayo ay may kani-kanyang papel sa lipunan. Bawat isa ay may gampanin hindi lang para sa sarili kundi maging sa kapwa.
Ang pagtatrabaho na may kalakip na pagseserbisyo-publiko ay hindi mapapantayan ng anumang halaga.



Comments