top of page
Search
BULGAR

Kalagayan ng Phil. Coast Guard, tutukan

by Info @Editorial | Sep. 20, 2024



Editorial

Walang maayos na kain, inumin at may naka-dextrose na. 

Ganito ang kalagayan ng mga crew ng BRP Teresa Magbanua nang salubungin sila mula sa pagbabantay sa Escoda Shoal simula noong Abril upang bantayan ang teritoryo ng bansa mula sa umano’y reclamation activities ng China.


Tunay na kabayanihan ang kanilang ipinamalas, buwis-buhay para sa bayan. Kaugnay nito, ipinanawagan sa Senado na bigyan na ng mas mataas na pondo ang Philippine Coast Guard (PCG).


Bukod sa hindi magandang panahon, pagsubok sa kanila ang nauubos na supply ng pagkain at inumin. Nakapanlulumo ang kanilang mga kuwento na umasa na lang sila sa ulan at tubig mula sa aircon para may mainom. Nasira rin ang kanilang barko dahil sa pagbangga ng China Coast Guard noong Agosto 31.


Sa panahon ng patuloy na hamon sa ating mga teritoryo sa dagat, mahalaga ang pagbibigay ng suporta sa PCG. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay hindi lamang ang pagbabantay sa ating mga karagatan, kundi pati na rin ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan at mga yaman ng bansa. 


Sa harap ng mga isyu tulad ng ilegal na pangingisda, smuggling, at banta mula sa ibang bansa, ang ating Coast Guard ang pangunahing depensa. Ang pagtaas ng presensya ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa ating mga karagatang teritoryal ay nagdudulot ng takot at pag-aalala. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang mas malawak na suporta sa PCG, mula sa mas modernong kagamitan hanggang sa mas mataas na pondo. 


Sa pamamagitan ng mga makabagong barko at teknolohiya, mas magiging epektibo ang kanilang operasyon at mas maayos nilang matutupad ang kanilang mga tungkulin.Gayunman, hindi lamang ito tungkol sa kagamitan, dapat ding palakasin ang kanilang mga pagsasanay at kapasidad. Ang kanilang kasanayan at kaalaman sa mga makabagong taktika at estratehiya ay mahalaga upang mas maging handa sa mga hamon sa dagat. 


Gayundin, ang pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad ay dapat na isulong. Ang mga mamamayan ang tunay na nagmamasid sa ating mga karagatan at ang kanilang partisipasyon ay maaaring maging malaking tulong sa pag-ulat ng mga kahina-hinalang aktibidad. Ang pagbibigay ng suporta sa Philippine Coast Guard ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno. Ito ay dapat na sama-samang pagsisikap ng bawat Pilipino. 


Ang ating seguridad sa dagat ay nakasalalay hindi lamang sa kanilang mga kamay kundi pati na rin sa ating pagmamalasakit at pakikilahok. 


Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malawak na suporta, tiyak na mas magiging matatag ang ating pambansang seguridad at mas mapapalakas ang ating soberanya sa karagatan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page