Kakulangan ng budget sa materyales ng mga guro, kailangang matugunan agad ng DepEd
- BULGAR

- Aug 16, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 16, 2020
Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase mula sa orihinal na August 24 at ito ay inilipat na sa October 5.
Ito ay magandang balita dahil lumalabas sa aming pagdinig sa Senado nitong nakaraang linggo na may mga kailangan pang habulin ang DepEd upang masiguro ang maayos na simula ng school year 2020-2021.
☻☻☻
Nang tanungin natin ang departamento kung nasaan na sila sa iimprenta ng mga module, sinabi ng DepEd na prayoridad nila ang mga module na gagamitin sa unang dalawang linggo ng klase. Ang mga susunod na module naman ay ipi-print sa pamamagitan ng “rolling basis” sa mga darating na linggo. Dahil na rin sa paglilipat ng pagbubukas, mabibigyan ng dagdag-oras ang DepEd upang masigurong maiimprenta lahat ng modules na kailangan sa mga unang linggo ng klase.
Isa pang issue ay ang kakulangan ng suporta upang mai-print ang mga module. Nitong mga nakaraang linggo ay may mga gurong nagpo-post sa social media at nangso-solicit ng mga materyales, tulad ng bond paper o kaya naman ay pambili nito, upang makapag-print ng modules.
Ayon sa DepEd, kukulanganin talaga ang kanilang budget upang magawa ito. Ngunit, may mga lokal na pamahalaan at organisasyon naman daw na tumutulong sa kanila.
Sana’y mai-realign ng departamento ang ilang pondo nito sa kanilang budget, tulad ng maintenance and other operating expenses (MOEE) upang matugunan ang problema. Isang nakikita natin paraan, dahil hindi naman gagamitin ang mga classroom sa ngayon ay posibleng magamit ang pambayad ng kuryente upang makapag-print ng mga module.
☻☻☻
Isa pang nakababahalang sitwasyon ay ang tinatayang apat na milyong kabataan na hindi nag-enroll ngayong taon, dahil na rin sa COVID-19 at iba pang kadahilanan. Marami sa mga batang ito ay galing sa mga pribadong paaralan.
Ayon sa DepEd, nakatakda silang magpulong upang talakayin kung paano magkakaroon ng access ang mga batang ito sa mga oportunidad na matuto.
Suportado natin ang hakbang na ito, dahil hindi dapat maging sagabal o excuse ang pandemya upang hindi matuto ang mga bata.
Kailangan natin silang bigyan ng mga oportunidad, kahit sa informal o sa iba pang paraan tulad ng paggamit ng telebisyon o radyo, upang maipagpatuloy ang kanilang pagkatuto.
Nawa’y mabilis na mai-rollout ito ng departamento upang hindi naman matuon sa ibang pagkakaabalahan ang atensiyon ng mga bata na posibleng masayang ang kanilang panahon.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments