Kahulugan ng ulap at langit
- BULGAR
- May 12, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 12, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Neriza ng Apalit, Pampanga.
Dear Maestra,
Palagi akong nananaginip na nakatingin ako sa kalangitan. Ang ganda ng ulap dahil nag-iiba ito ng kulay. Minsan ay nagiging pink ito at minsan naman ay pula, yellow, violet at blue.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Neriza
Sa iyo, Neriza,
Isa-isahin natin ang kulay na nakita mo sa iyong panaginip.
Ang pink ay pag-ibig ang ipinahihiwatig, kung saan in love ka sa kasalukuyan. Blooming ka at halata sa iyong mga mata na umiibig ka na. Ang pula naman ay love rin ang ibig sabihin. Nagpapahiwatig ito na mag-ingat ka sa pakikipagrelasyon dahil sa umpisa ay masaya, pero sa bandang huli ay maaaring mauwi sa giyera o war ang relasyon n’yo. May posibilidad na mag-away kayo dahil sa masasakit na salita na binibitiwan n’yo.
Gayunman, ang yellow ay nangangahulugan ng mabilis na pagbabago tungo sa pag-unlad.
Ang violet ay kakayahang makontrol mo ang isipan ng iyong kapwa. Ito rin ay nagpapahiwatig na matutupad mo ang lahat ng iyong mga kahilingan. At ang blue ay kalusugan ng katawan at kapayapaan ng isipan ang ipinahihiwatig.
Samantala, ang kalangitan ay kaligayahan at kapayapaan at ang ulap naman ay nagbababala ng paghihiwalay. Pero ang sabi mo ay nag-iiba ang kulay ng ulap, nangangahulugan ito na panandalian lamang ang paghihiwalay n’yo ng iyong karelasyon. Lilipas din agad ito at muli kayong sasaya at giginhawa.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments