top of page

Kahulugan ng tinakpan ang ulo dahil nakakalbo

  • BULGAR
  • Sep 25, 2022
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 25, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Noemi ng Cavite City.


Dear Maestra,


Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.


Napanaginipan ko na may kausap akong lalaki na nagpakilalang binata, tapos tinakpan ko ng bandana ang ulo ko para hindi makita ng lalaking ‘yun na nakakalbo na ako.


Isinama niya ako sa bahay nila at may handaan du’n, kung saan maraming masasarap na pagkain. Umupo na kami kasabay ng mga kaibigan niya at pagkatapos ng handaan ay nagkalat ang maruruming pinggan at pati ang silya ay sira-sira rin.


Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Noemi


Sa iyo, Noemi,


Ang panaginip mo na may lalaking gustong makipagkilala sa iyo ay nagpapahiwatig ng kasal. Subalit kung kinausap ka niya, ito ay nangangahulugang magiging old maid ka o mabibiyuda ka.


Ang sabi mo, tinakpan mo ang iyong ulo para hindi niya makita nakakalbo ka na, ito ay nangangahulugan na makakatanggap ka ng nakakabahalang balita.


Samantala, ang sinama ka niya sa bahay niya, may handaan at maraming masasarap na pagkain na pinagsaluhan n’yo ng mga kaibigan niya ay nangangahulugan na may magandang kapalaran na nakalaan sa iyo sa hinaharap.


Ang nagkalat ang maruruming pinggan at sira-sirang mga silya pagkatapos ng handaan ay nagpapahiwatig na may paparating na pangyayari sa buhay mo, kung saan maiinis ka nang husto at maaaring mawalan ng pasensya.


‘Yan ay kung hindi mo tatalasan ang iyong isip at hindi magiging mulat ang mga mata mo na ang buhay ay sadyang ganyan, kung saan hindi lahat ng araw ay maganda.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGARY - BEA, NOT ONCE BUT TWICE NANG NAUDLOT ANG KASAL-IG _beaalonzo.jpg
bottom of page