Kahulugan ng super-yaman at tears of joy
- BULGAR
- Feb 12, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 12, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Thelma ng Lucban, Quezon.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Gusto kong magpaanalisa ng panaginip ko.
Palagi akong nagbabasa ng inyong column at may panaginip ako na kahawig ng nalathala sa column n’yo at eksaktong-eksakto ang kahulugan nito. Kaya naman, naisip kong magpaanalisa rin sa inyo ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na mayamang-mayaman na ako, kaya maraming nangungutang sa akin.
Napapaiyak ako ‘pag nag-iisa sa kuwarto, pero luha ng kagalakan dahil hindi ko sukat akalain na magiging mayaman ako. Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Thelma
Sa iyo, Thelma,
Kabaligtaran ang ibig sabihin ng panaginip mo na mayamang-mayaman ka na. Ito ay nangangahulugan na kailanman ay hindi ka yayaman. Mananatili ka sa kasalukuyan mong kalagayan na katamtaman lang ang pamumuhay. Hindi mahirap at hindi rin mayaman.
Samantala, ang sabi mo ay napapaiyak ka sa kuwarto mo kapag nag-iisa dahil hindi mo sukat akalaing magiging mayaman ka. Gayundin, luha ng kagalakan ang sabi mo, tama ka r’yan. Ang ibig sabihin nito ay magiging maligaya ka at hindi ka na daranas pa ng kalungkutan sa darating na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments