Kahulugan ng pera, pancit at softdrinks sa death anniversary ng tiyuhin
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 23, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Fatima ng Silang, Cavite.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na death anniversary ng tito ko, tapos pumunta kaming lahat sa lumang bahay namin sa probinsiya. Dumating ang tita ko na may dalang ulam at dumating din ang isa ko pang tito. May pera siyang inaabot sa matalik na kaibigan ng tito kong namatay, tapos pumunta siya sa bahay namin para magluto ng ihahanda.
Tinanong ko kung magkano ang ibinigay na pera sa kanya at sabi niya, P2,000 at mayroon ding P5 na papel, ‘yung tulad ng pera noong unang panahon. Tapos bumili kami ng pancit at softdrinks hanggang nagising na ako.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Fatima
Sa iyo, Fatima,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo. Ang lumang bahay n’yo ay nangangahulugan ng kasayahan. Ang pera naman ay kasaganaan at kaunlaran sa buhay. Ang P2,000 ay nagpapahiwatig na matalas ang kutob mo at pabago-bago ang isip sa pagpapasya, habang ang P5 ay nangangahulugan ng paglalakbay.
Ito rin ay nagpapahiwatig na mahusay kang makipag-usap sa tao kung saan lahat ng klase ng tao ay kaya mong pakibagayan. Nagpapahiwatig din na mas bata kang tingnan kaysa tunay mong edad. Gayundin, ito ay nagpapahiwatig na may kasalang magaganap sa pamilya mo at magkakaroon sila ng maraming anak.
Samantala, ang ulam, pancit at softdrinks na ihahanda n’yo sa death anniversary ng tito mo ay halos pareho rin ng kahulugan ng pera sa panaginip mo. Kasaganaan at kaunlaran sa inyong pamilya ang ipinahihiwatig nito.
Ang mga pagkain na lulutuin n’yo ay nagpapahiwatig na magiging abala ka sa mga susunod na araw sa piling ng iyong matatalino, masigla at mababait na mga anak.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments