Kahulugan ng nanood ng concert at malakas na ulan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 4, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Helen ng Mindoro.
Dear Maestra,
Isa ako sa marami n’yong tagasubaybay.
Gusto kong malaman ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko na nanood ako ng concert, tapos pagkauwi ko ay biglang umulan at ang lakas-lakas nito. Buti na lang, humina rin ang ulan bago ako makarating sa bahay namin.
Naghihintay,
Helen
Sa iyo, Helen,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na nanonood ka ng concert ay dobleng pag-iingat dahil mapapaaway ka, kung saan masasangkot ka sa napakalaking gulo.
Samantala, ang sabi mo ay umulan nang malakas habang pauwi ka. Ito naman ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng kabiguan at sobrang kalungkutan dahil sa isang pangyayari na hindi mo inaasahang sasapitin mo sa iyong buhay.
Gayunman, ang sabi mo ay humina ang ulan bago ka makarating sa bahay, nangangahulugan ito na mapapalitan ng kaligayahan at kasaganaan ang kalungkutang dinaranas mo. Malulutas din agad ang problema mo.
Ganyan talaga ang buhay ng tao. Kung may lungkot, may ligaya. Kung may tiyaga, may nilaga. Kumbaga, paikot-ikot lang.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments