ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-26 Araw ng Abril, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jorge ng Antique.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nakahiga ako sa kama. Nangati ang baywang ko, kaya kinamot ko nang kinamot, nang biglang napatid ‘yung garter sa pajama ko. Inis na inis ako, tapos sumabay pa ang mga nagliliparang langaw na lalo kong kinainis.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jorge
Sa iyo, Jorge,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakahiga ka sa kama, at biglang nangati ang baywang mo ay makakaranas ka ng mga kalungkutan, magiging balisa at hindi na magkakaroon ng katahimikan ang iyong isipan.
Ang kinamot mo nang kinamot ang baywang mo at napatid ang garter ng pajama mo ay babala ng mga kabiguan sa buhay. Mabibigo ka sa pinaplano mong gawin.
Samantala, ang nagliparang mga langaw sa tabi mo na lalo mong kinainis ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng sobrang pagkabagot sa iyong kapaligiran. Mababagot at hindi ka matatahimik. Hindi ka rin makakaramdam ng kapanatagan sa iyong isipan. Huwag mo masyadong dibdibin ang mga problema. Alalahanin mo na ang bawat problema ay may solusyon, dadaan at lilipas din ‘yan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments