Kahulugan ng naligaw, manok, rocking chair at bintana
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 1, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Maryrose ng Bataan.
Dear Maestra,
Halos gabi-gabi akong nananaginip, pero hindi ko naman alam kung ano ang ipinahihiwatig nito kaya naisip ko nang magpaanalisa sa inyo ng mga panaginip ko.
Napanaginipan ko na naligaw ako sa isang malayong siyudad, tapos may nakita akong mga manok na tumitilaok. Noong isang araw naman, napanaginipan ko na nakaupo ako sa rocking chair habang nakatingin sa bintana. Ano ang kahulugan ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Maryrose
Sa iyo, Maryrose,
Ang naligaw ka sa isang malayong siyudad ay nangangahulugan na ang mga plano mo sa kasalukuyan ay magkakaroon ng hindi inaasahang pagbabago. Ang mga manok na tumitilaok ay halos ganundin ang kahulugan. Mababalam o maaantala ang mga binabalak mong gawin.
Samantala, ang rocking chair ay nagpapahiwatig na malapit nang manganak ang isa sa mga kasama mo sa bahay. Ang bintana naman ay nangangahulugan na nag-aalala ka sa kalagayan ng mga kaibigan mo na alam mong may mabigat na pinagdaraanan sa kasalukuyan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments