Kahulugan ng naligaw at tiniis ang uhaw
- BULGAR
- Mar 11, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Victor ng Cebu.
Dear Maestra,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na namamasyal ako sa isang lugar, tapos naligaw ako kaya tiningnan ko ang hawak kong mapa upang malaman ang tamang daan. Maya-maya, nakaramdam ako ng pagkauhaw, kaya tiningnan ko naman sa backpack ‘yung baon kong tubig pero wala ito. Naiwan ko pala ‘yung baon kong tubig, kaya tiniis ko na lang ang pagkauhaw ko.
Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Victor
Sa iyo, Victor,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na namamasyal at naligaw ka ay babala na ang kasalukuyan mong plano ay hindi matutuloy dahil magkakaroon ng mga hadlang. Ang sabi mo ay tiningnan mo ang mapa para malaman ang tamang daan, ito naman ay nangangahulugan na maglalakbay ka sa malayong lugar. Mangingibang-bansa ka at magtatagal ka ru’n nang mahabang panahon.
Samantala, ‘yun namang nakaramdam ka ng uhaw pero tiniis mo dahil naiwanan mo ang baon mong tubig, ito ay nagpapahiwatig na mararamdaman mo ang pag-iisa at pangungulila, lalo na sa mga sandaling kailangan mo ng tulong, subalit walang kahit isang tao na tutulong sa iyo.
Maging matatag ka sa iyong pagpapasya at palaging ihanda ang iyong sarili sa mga problemang kakaharapin.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments