Kahulugan ng nakikipagbiruan sa dyowa at binigyan ng sariwang lily
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 8, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Govinda ng Bataan.
Dear Maestra,
Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na may balak akong magpakasal sa dyowa ko. Madalas ko siyang napapanaginipan at mahal na mahal niya ako. Masaya kami at palaging nagbibiruan, gayundin, ipinapakita niya na mahal na mahal niya ako at ganundin ako sa kanya.
Tapos pumunta kami sa aming garden at pinitas niya ‘yung bulaklak ng lily at nakangiti itong inabot sa akin. Nagustuhan ko naman ito dahil ang ganda ng bulaklak at sariwang-sariwa pa.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Govinda
Sa iyo, Govinda,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na masaya ka, nakikipagbiruan at ipinapakita mo ang iyong pagmamahal ay napapaligiran ka ng mabubuting kaibigan na handang dumamay sa iyo sa panahon ng kagipitan. Kumbaga, maaasahan mo sila sa lahat ng bagay.
Samantala, ang bulaklak ng lily na sariwa at maganda na pinitas ng dyowa mo at ibinigay sa iyo, ito ang nagpapahiwatig na magiging matagumpay ang pagsasama n’yo bilang mag-asawa. Masaya ang inyong magiging kasal. Magiging matagumpay din kayo sa negosyong papasukin n’yo pagkatapos ng kasal.
Gayundin, kasaganaan, kaligayahan at kapayapaan ng puso’t isipan ang ipinahihiwatig ng panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments