top of page

Kahulugan ng nakapag-asawa ulit pero kabit pala

  • BULGAR
  • Mar 23, 2022
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 23, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Imelda ng Camarines Sur.


Dear Maestra,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Gusto kong magpaanalisa ng aking panaginip. Matagal na akong hiwalay sa asawa, pero napanaginipan ko na may asawa na ako ulit, kaya lang, ang napangasawa ko ay mayroon nang asawa at lumalabas na kabit niya lang ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko at bakit parang ang gulo?


Naghihintay,

Imelda



Sa iyo, Imelda,


Muntik ko nang hindi maintindihan ang panaginip mo dahil parang magulo. Tama ka, magulo talaga ang panaginip mo.


Ang ibig sabihin ng may asawa ka na ulit ay pahiwatig na hindi ka na makakapag-asawa pang muli. Mabibigo kang humanap ulit ng magiging asawa na papalit sa una mong mister na matagal nang hiwalay sa iyo. At dahil ang sabi mo ay may asawa na ‘yung ipinalit mo sa nauna mong asawa at lumalabas na ikaw ay kabit, nangangahulugan ito na hinding-hindi mo na papansinin ang panliligaw o pambobola ng mga lalaki sa iyo. Ito ay dahil nadala ka na at sobra kang nasaktan kaya iisnabin mo ang lahat ng magpaparamdam sa iyo.


Samantala, mas mainam sana kung biyuda ka na ngayon dahil ang ibig sabihin ng panaginip mo ay malapit ka nang magpakasal sa lalaking gusto mong mapangasawa at makasama habambuhay. Magdudulot ito ng kaligayahan at kasaganaan sa iyong buhay. ‘Yan ay kung biyuda ka na, ngunit ang sabi mo ay hiwalay ka lang sa asawa. Muli, maigi sana kung biyuda ka. Napakaganda ng ipinahihiwatig dahil liligaya at yayaman ka na.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page