Kahulugan ng nagsanla ng bracelet at naligaw pauwi
- BULGAR
- Sep 15, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 15, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Fida ng Ilocos Norte.
Dear Maestra,
Wala akong trabaho ngayon, pero marami akong ina-apply-an. Tumitingin ako sa dyaryo hanggang sa mapansin ko ang kolum n’yo at nagkainteres ako. Ang husay kasi ng pag-i-interpret n’yo.
Dahil d’yan, gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko na pumunta ako sa sanlaan, tapos isinanla ko ang bracelet ko. Pag-uwi ko ay naligaw ako, tapos naglakad ako nang naglakad sa maputik na daan.
Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Fida
Sa iyo, Fida,
Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na pumunta ka sa pawnshop upang isanla ang bracelet mo dahil ito ay nangangahulugang hindi ka matatanggap sa trabaho na ina-apply-an mo. Gayunman, magtiyaga ka lang nang magtiyaga hanggang sa makatagpo ka rin ng nababagay sa iyong trabaho. ‘Ika nga, try and try until you succeed.
Samantala, ang naligaw ka at naglakad sa maputik na daan ay nangangahulugang disaster in your plan. Makakaranas ka ng mga pagsubok at pagkabigo sa iyong mga plano sa buhay. Gayunman, huwag kang mawalan ng pag-asa dahil pagsubok lamang ‘yan na kapag iyong nalagpasan, ang naghihintay sa iyo ay kaligayahan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments