top of page

Kahulugan ng naglalakad kasama ang utol at ex-admirer

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 24, 2022
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 24, 2022



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Flor ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na naglalakad kami ng kapatid ko kasama ang bestfriend niya na dati kong manliligaw. Maraming tao sa daan at masaya ang mga mukha nila. Nauna akong maglakad, pero naisip kong hintayin sila para sabay-sabay kami papunta sa dati naming bahay sa probinsiya. Napadaan kami sa mga row houses na ginagawa sa lugar na ‘yun at isa sa mga bahay na ‘yun ay kami ang may-ari. Naisip ng kapatid ko na pumasok ru’n para mag-CR.


Naiwan kami ng bestfriend niya at nagkuwentuhan kami, aniya, hindi maligaya ang married life niya. Napansin ko ring payat siya at ‘di gaya ng dati, gayunman, nakangiti siya habang nagsasalita. Tinanong niya ako kung marami nang nadagdag sa pamilya namin at nagkataong dumating ang mga anak ng kuya ko, binilang ko sila at tatlumpu ang nabilang ko.


Nagkakatuwaan at masaya ang mga bata, pinakilala ko sa kanya isa-isa at dumating din ang kapatid ko. Sabi ko, iiwan ko muna siya sa kapatid ko at titingnan ko ‘yung niluluto ko sa bahay namin na malayo-layo ru’n. Paalis na ako nang mapansin kong natanggal ang butones ng blouse ko sa bandang itaas. Inayos ko muna ito at saka ako umalis.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Flor


Sa iyo, Flor,


Ang ibig sabihin ng naglalakad kayo ng kapatid mo kasama ang bestfriend niya, maraming tao at masasaya ang mukha, ay magiging maligaya ka sa darating na mga araw. Nagpapahiwatig din ito na may dadaluhan kang masayang pagtitipon. Susuwertehin ka rin sa lahat ng binabalak mong gawin.


Gayunman, ang mga row house, nangangahulugan ito na ang araw-araw mong pamumuhay ay magiging masaya kung saan magdudulot ito sa iyo ng kapayapaan ng isipan. Magiging kuntento ka na sa buhay dahil wala ka nang mahihiling pa.


Ang mga anak ng kuya mo na pawang nagkakatuwaan at ipinakilala mo sa dati mong admirer ay nagpapahiwatig na magiging maligaya ang iyong married life. Ang sabi mo ay tatlumpu ang bilang ng mga anak ng kuya mo, ito ay nangangahulugan na ikaw ay sadyang mapagmahal sa pamilya, kumbaga, inuuna mo muna sila kaysa sa iyo, kaya naman, makakamit mo na ang pagpapala at tagumpay na inilaan sa iyo ng tadhana.


Ang butones ng blouse mo na natanggal, nangangahulugan ‘yan na may magandang balita kang matatanggap na labis mong ikagagalak.


Samantala, ‘yun namang umuwi ka para tingnan ang niluluto mo, ito ay nangangahulugan na magiging abala ka sa araw-araw mong pamumuhay. Ang dati n’yong bahay sa probinsiya ay nagpapahiwatig ng kaligayahan sa iyong kapaligiran, tagumpay at magandang kalusugan.


Nagpapahiwatig din ito na magpapakasal ka na sa karelasyon mo. Magiging masaya ka at magkakaroon kayo ng mga gifted children.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page