Kahulugan ng nagkabalikan ang tiyahin at tiyuhin
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 19, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lourdes ng Binangonan, Rizal.
Dear Maestra,
Madalas akong magpaanalisa sa inyo at tama ang lahat ng ibinibigay n’yong kahulugan sa mga panaginip ko na ipinapaanalisa sa inyo. Kaya nais kong malaman ang kahulugan ng bago kong panaginip.
Napanaginipan ko ang tito at tita ko na matagal nang hiwalay dahil sa hindi maiiwasang problemang dumating sa kanilang buhay. Palagi kong dinadasal na magkabalikan sila at muling mabuo ang kanilang pamilya. Malapit kasi ang loob ko sa tiyuhin ko dahil siya ang tumulong sa mama ko upang makatapos ako ng kolehiyo.
Napanaginipan ko na nagkabalikan sila ng tita ko kung saan bumalik ang tamis ng kanilang pagmamahalan at nagkaroon pa sila ng dalawang anak.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lourdes
Sa iyo, Lourdes,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay matatagalan pa upang bumalik ang dating tamis ng pagmamahalan ng tito at tita mo. Malabo pang mabuo ang kanilang pamilya, subalit pareho naman silang susuwertehin sa negosyo. Uunlad ang buhay ng bawat isa.
Kasaganaan at kaunlaran ang daranasin nila sa mga susunod na araw sa kabila ng pandemyang dinaranas natin sa kasalukuyan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments