Kahulugan ng naging principal at kinainggitan ng co-teacher
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 23, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jerry ng Tondo.
Dear Maestra,
Isa ako sa mga humahanga sa kolum n’yo tungkol sa panaginip. Isa akong guro sa elementary school sa aming lugar at tulad ng marami n’yong tagasubaybay, gusto ko ring magpaanalisa sa inyo ng panaginip.
Napanaginipan kong na-promote ako. Mula sa pagiging ordinaryong guro, naging principal ako, tapos nainggit sa akin ang isa sa mga kasamahan kong guro at inaway niya ako hanggang nauwi sa puntong nagkasakitan kaming dalawa. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jerry
Sa iyo, Jerry,
Maraming salamat sa iyong pagsubaybay at paghanga sa aking kolum tungkol sa panaginip. Gayundin, maraming salamat sa iyong pagsangguni.
Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na na-promote ka sa pagiging principal ng school n’yo dahil ito ay nagpapahiwatig na hindi maganda ang kalagayan mo sa lugar na iyong tinutulyan.
Tungkol naman sa nag-away kayo ng kapwa mo guro na naiinggit dahil naging principal ka, ito ay nagpapahiwatig na mapapaaway ka sa isa mong kaibigan dahil hindi siya sang-ayon sa gusto mong mangyari. Ito rin ay nangangahulugan na siya mismo ang magiging pasimuno sa away n’yo. Papatulan mo siya at hindi mo siya uurungan. Papatunayan mo sa kanya na hindi ka duwag gaya ng iniisip niya. Hanggang dito na lang. Mag-ingat ka palagi.
Iwasan mong pumatol kapag may gulo sa paligid n’yo. Panatilihin mo ang hinahon at kalmadong pag-iisip.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments