Kahulugan ng nag-jogging, nauhaw at nakiinom
- BULGAR
- May 29, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 29, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lito ng Samar.
Dear Maestra,
Ilang beses na akong sumangguni sa inyo dahil nagiging gabay ko ito sa araw-araw kong pamumuhay. Tama ang pag-aanalisa n’yo sa mga panaginip na isinangguni ko noon, kaya heto ako at muling sumasangguni sa inyo.
Napanaginipan ko na nag-jogging ako. Malayo na ang nararating ko, kaya nakaramdam ako ng uhaw. Nakalimutan kong magdala ng tubig, tapos may natanaw akong tindahan at nakiinom ako ru’n, pero napansin ko na malabo ‘yung tubig.
Gayunman, ininom ko pa rin ito dahil uhaw na uhaw ako. Nang makainom ako, nag-jogging ako pabalik sa aming bahay, tapos natinik ang paa ko, kaya huminto ako at inalis ang tinik.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lito
Sa iyo, Lito,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nag-jogging ka, nauhaw, nakiinom sa tindahan kahit malabo ang tubig ay nagpapahiwatig na mahihirapan kang abutin ang iyong mga pangarap. Dadaan ka muna sa matinding pagsubok bago mo makamit ang tagumpay.
Samantala, ang sabi mo ay natinik ka, huminto saka inalis ang tinik. Ito ay nangangahulugan na dapat kang mag-ingat sa iyong mga plano sa buhay. Kumbaga, huwag kang sugod nang sugod o huwag sunggab nang sunggab sa mga ino-offer sa iyo.
Pag-aralan mo munang mabuti ang mga ito upang hindi ka magsisi sa huli.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments