Kahulugan ng na-late sa date at huminto ang oras sa relo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 22, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorna ng Masbate.
Dear Maestra,
May dyowa na ako at balak naming magpakasal sa susunod na buwan.
Napanaginipan ko na may date kami, pero nalibang ako at nang tingnan ko ang aking relo, late ako sa date namin. Umiyak ako nang umiyak dahil late na ako. Muli kong tiningnan ang oras sa relo ko dahil baka sakaling makahabol pa ako sa date namin, pero biglang huminto ang oras, kaya hindi ako tumuloy sa tipanan namin.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lorna
Sa iyo, Lorna,
Ang ibig sabihin ng panaginip na late ka na sa date nang tingnan mo ang iyong relo ay uunlad at sasagana ang pamumuhay mo sa darating na mga araw. Susuwertehin ka rin sa pag-ibig kung saan magiging masaya ang binabalak n’yong pagpapakasal.
Samantala, ang iyak ka nang iyak ay nagpapahiwatig na liligaya ka na sa buhay.
Matatapos na ang mga kalungkutan na dinanas mo sa mga nakaraang araw. Malalasap mo na ang kaligayahang inaasam-asam mo sa piling ng iyong karelasyon.
Gayunman, ang sabi mo ay tumigil ang oras nang tingnan mong muli ang iyong relo, ito ay nagpapahiwatig na dapat kang mag-ingat sa iyong mga kilos at pananalita. Posible kasing hindi maging lubos ang kaligayahang madarama mo. Maaaring mabahiran ito ng kalungkutan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments