Kahulugan ng multo sa kuwarto at higante sa bintana
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 22, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Diego ng Bulacan.
Dear Maestra,
Madalas akong managinip ng nakakatakot.
Napanaginipan ko noong isang gabi na may multo sa kuwarto ko, palagi itong nagpaparamdam na para bang may ibig sabihin, kaya lang, hindi ko masyadong maintindihan ang gusto niyang ipahiwatig.
Kagabi naman, nanaginip ako ng higante na nasa bintana namin at ayaw umalis.
Bakit puro nakakatakot ang panaginip ko, ano ang ibig sabihin ng mga ito?
Naghihintay,
Diego
Sa iyo, Diego,
Ang ibig sabihin ng may nakita kang multo sa loob ng kuwarto mo na para bang may ibig sabihin ay nagpapaalala na maging maingat ka sa pakikitungo sa mga kaibigan mo. Matuto kang makisama sa kanila, iwasan mong salungatin ang mga panukala nila upang hindi ka nila makainisan. Gayunman, kung nag-iwan ng mensahe ang multo, dapat mo itong bigyang-pansin at sikaping sundin kung anuman ang sinabi nito.
Samantala, ang higante na nakita mo sa bintana n’yo at ayaw umalis du’n ay nangangahulugang mahaharap ka sa matinding pagsubok. Mangangailangan ito ng talas ng iyong isipan at tatag ng kalooban upang iyong malagpasan.
Kumapit ka sa Diyos, palagi kang manalangin upang mapagtagumpayan mo ang mga pagsubok sa buhay na nakatakdang dumating sa susunod na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments