top of page
Search
  • BULGAR

Kahulugan ng mga numerong 1-5-8

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 4, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Raul ng Tondo.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na napakasuwerte ko dahil tumama ako sa lotto, pero Swertres o ‘yung tatluhang numero lang. Ang mga numero na tinamaan ko ay 1-5-8. Tuwang-tuwa ako dahil malaking tulong na rin sa buhay ko ang aking napanalunan.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Raul



Sa iyo, Raul,


Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na tumama ka sa lotto, pero sa Swertres lang dahil ito ay nangangahulugan na dapat kang mag-ingat sa pinagkakatiwalaan mong kaibigan dahil tatraydurin ka niya. May masama siyang binabalak laban sa iyo, hindi lang sa negosyo mo kundi maging sa iyong pamilya.


Ang numerong uno (1) ay nangangahulugan na mararating mo ang tagumpay, subalit babagsak ka at mag-uumpisa muling bumangon. Magkakapera ka ng malaking halaga, pero mauubos agad at babalik ka na naman sa kahirapan.


Ang singko (5) naman ay paglalakbay ang ipinahihiwatig na may kaakibat na pagnenegosyo. Habang ang otso (8) ay nangangahulugang hawak ng Diyos ang buhay mo o ‘yung tinatawag na “Man of destiny”. Nakatakda na sa mundo ang kapalaran mo.


Dadaan ka sa matinding pagsubok, pero malalagpasan mo ang mga ito dahil hindi ka pababayaan ng Diyos. Isa ka sa may gagampanan sa spiritual side o may calling ka mula sa itaas.


Samantala, ayon sa panaginip mo ay napakasuwerte mo, ito naman ay nangangahulugan ng kabiguan. Dapat kang mag-ingat sa iyong mga ikinikilos. Gamitin mo ang iyong isip sa pagpapasya at hindi ang puso.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page