Kahulugan ng maraming binili sa palengke, maganda ang suot kahit nasa bahay at nakapulot ng pera
- BULGAR
- Aug 15, 2020
- 1 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 15, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Roxanne na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang kahulugan ng panaginip na namimili sa palengke at maraming binili?
Ano rin ang kahulugan ng nasa bahay lang pero nakasuot ng maganda at hindi pambahay na damit?
Mayroon din akong panaginip na naglalakad, tapos nakapulot ako ng pera na P100 at P1,000.
Naghihintay,
Roxanne
Sa iyo Roxanne,
Nalalapit ka kasalan ang maaaring maganap, ito ang kahulugan ng namimili sa palengke at maraming pinamili.
Ang nakasuot ng maganda pero nasa bahay lang ay nagbabalita ng pagdating ng magagandang kapalaran, suwerte at biglaang buwenas.
Ang nakapulot ng pera habang naglalakad ay nagpapayo na anuman ang marating sa buhay, dapat ay nakatingin pa rin ang tao sa ibaba, na ang ibig sabihin ay iwasan niya ang ugaling mapagmataas at mayabang.
Ang ganito ring panaginip ay nagsasabing, sa totoo lang, maglakad ka at paminsan-minsan ay tumingin ka sa lupa o ibaba at ikaw ay aktuwal na makakapulot ng pera. Paminsan-minsan, ang sabi, dahil hindi puwede na sa paglalakad ay palagi kang nakatingin sa ibaba.
Sa kabuuan ng iyong mga panaginip, ikaw ay makikitang sa kabila ng takot ng tao sa Covid-19 at kahirapan sa buhay, mukhang papaasenso ka at papaganda ang iyong kapalaran.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments