Kahulugan ng mantsa at tubig na may sabon
- BULGAR
- Jul 25, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 25, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Herbert ng Zambales.
Dear Maestra,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na namantsahan ang suot kong damit, kaya kumuha ko ng timba na may tubig. Nilagyan ko ito ng sabon at nilubog dito ang damit kong may mantsa, tapos hinalo ko nang hinalo ang tubig na may sabon para lalong bumula.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Herbert
Sa iyo, Herbert,
Ang ibig sabihin ng namantsahan ang damit mo ay may humahadlang sa iyong kaligayahan. May lihim kang kaaway na naiinggit sa iyo at ayaw niyang maging masaya ka.
Samantala, ang timba na may tubig at sabon ay nagpapahiwatig na masasangkot ka sa isang gulo, subalit maiiwasan mo naman ito kung mag-iingat ka sa bawat kilos mo.
Tungkol naman sa paghalo mo ng tubig na may sabon para lalong bumula, ito ay nangangahulugan ng pagkalito sa mga pangyayari hanggang mauwi sa pakikipag-away.
‘Yan ang magaganap sa iyo sa mga susunod na araw, pero maiiwasan mo naman ito kung lalayo ka sa mga barkada na alam mong walang idudulot na mabuti para sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments