Kahulugan ng magandang puno, bungo at kalansay
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joseph ng Camarines Sur.
Dear Maestra,
Isa ako sa mga tagahanga ng inyong kolum. Gustong-gusto kong basahin ang kahulugan ng mga panaginip na inilalathala n’yo araw-araw. Nagkataon kasi na kahawig ng panaginip ko ‘yung iba, kaya ginugupit ko ito at iniipon saka idinadagdag ko sa aking collections ng magagandang kolum sa BULGAR.
Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Namasyal ako sa isang memorial park dito sa amin, tapos may nakita akong magandang punong-kahoy na malago ang mga dahon at berdeng-berde ang kulay, kaya nakakaakit pagmasdan. Naisipan kong lapitan ang nasabing puno, tapos nagulat at natakot ako dahil may nakita akong bungo at mga buto ng tao sa likod ng puno at nagkalat sa lupa ang mga buto. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Joseph
Sa iyo, Joseph,
Bagama’t nakakatakot ang panaginip mo, napakaganda ng kahulugan nito.
Ang buto ng tao na nakita mo sa iyong panaginip ay nangangahulugan na makakatanggap ka ng malaking halaga.
Ang bungo naman ay nagpapahiwatig na ang malaking halaga na matatanggap mo ay galing sa iyong mamanahin sa yumao mong mahal sa buhay. Habang ang punong-kahoy na may malagong dahon, berdeng-berde ang kulay ay nagpapahiwatig na yayaman ka na kung saan hindi mo na poproblemahin ang pera dahil isa ka na sa magiging pinakamayaman sa inyong lugar.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments