Kahulugan ng magagandang dahon at ‘di napansing naubos ang softdrinks
- BULGAR
- Oct 12, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 12, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rhealyn ng Roxas City.
Dear Maestra,
Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong pahayagan, wala akong ibang binabasa kundi ang Bulgar at unang-una kong tinitingnan ang column ninyo tungkol sa panaginip. Hanga ako sa pag-aanalisa ninyo sa mga panaginip na isinasangguni sa inyo kaya gusto ko ring magpaanalisa sa inyo ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na may hawak akong bote ng softdrink habang nakatingin sa puno ng mangga sa harap ng bahay namin. Ang ganda-ganda ng mga dahon at malapit nang lumaki ang mga bunga nito. Tapos may hawak akong bote ng softdrink at masayang iniinom ang laman nito hanggang hindi ko napansin na naubos ko na. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rhealyn
Sa iyo, Rhealyn,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na umiinom ka ng softdrink hanggang hindi mo napansin na ubos na pala ito, babala ito na dapat kang mag-ingat sa mga ikinikilos mo dahil posibleng makagawa ka ng bagay na maghahatid sa iyo sa hindi magandang kalagayan.
‘Yun namang puno na may magandang dahon, ito ay nangangahulugan na hindi ka dapat mainip dahil paparating na ang magagandang bagay sa buhay mo, basta’t maging maingat ka at hindi padalos-dalos sa pagpapasya.
Mabuti na lang, ayon sa panaginip mo ay malago ang mga dahon sa puno at malapit nang mahinog ang bunga nito dahil kung nagkataong halos lanta na ang mga dahon sa puno at nalalagas na ang mga ito, paghihirap sa buhay ang ibig sabihin nito. Daranas ka ng kahirapan sa mahabang panahon. Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Diyos na lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments