top of page

Kahulugan ng laging nagpapakita si Jesus Christ

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 29, 2022
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 29, 2022



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dondon ng Bulacan.


Dear Maestra,


Isa akong millennial at sabi ng mama ko, dapat ay Pasko ako isisilang, pero napaaga ito. Bisperas pa lang ay pinapunta na siya sa ospital at pinilit siya ng doktor na manganak. Kung hindi, Pasko sana ang birthday ko at parehas kami ni Jesus Christ.


Madalas kong napapanaginipan si Jesus Christ, nagpapakita Siya sa aking panaginip.


Napanaginipan ko ulit Siya kagabi. Pumunta ako sa isang sikat na university para mag-enroll. Habang nagsasagot ako ng form, nakaramdam ako ng call of nature, gusto kong pumunta sa CR, kaya tinanong ko ‘yung teacher kung nasaan ang comfort room at sabi niya, malapit sa hagdan at katabi ng washing machine. Nang malapit na ako roon, nakita ko si Jesus Christ. Nakatingin Siya sa akin at nakangiti. Maya-maya, pumaimbulog na Siya paitaas at nawala. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?



Naghihintay,

Dondon


Sa iyo, Dondon,


Ang university ay nagpapahiwatig na mararating mo ang tagumpay kung saan kikilalanin ka sa lipunan. Magiging sikat ka at igagalang sa inyong lugar, gayundin, pangungunahan at pamumunuan mo ang mga taong may mataas na pinag-aralan.


Ang washing machine naman ay nangangahulugan na likas sa iyo ang pagiging masipag.


Ang kasipagan mo ang maghahatid sa iyo upang marating at makamit ang pinakamimithi mo sa buhay. Ang nag-enroll at nagsagot ka ng form ay nagpapahiwatig na anuman ang papasukin mong transaksiyon o sasagutan na form, basahin mo munang mabuti ang kasunduan na nakalahad dito. Maging maingat ka sa anumang kasulatan na iyong sasagutan. Maging mapanuri ka at ‘wag basta-bastang pipirma.


Samantala, si Jesus Christ naman na ang sabi mo ay nagpakita sa panaginip mo, ito ay nagpapahiwatig na may calling ka mula sa langit kung saan may gagampanan ka sa spiritual side rito sa daigdig. May posibilidad na magpari o maging leader ka ng isang malaking religious group. Nakatunghay sa iyo si Jesus Christ, gagabayan at papatnubayan ka Niya. Mamumuhay ka nang payapa, panatag at sagana hanggang magampanan mo ang tungkulin na itinakda sa iyo ng tadhana.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page