top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kahulugan ng kumidlat habang nananahi at nabuhol ang sinulid

BULGAR
Mar 20, 2022
1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 20, 2022



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lolita ng Pateros.


Dear Maestra,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa sandaling mabasa n’yo ang sulat kong ito. Nais kong isangguni sa inyo ang panaginip ko. Napanaginipan ko na nananahi ako ng damit sa makina ko. Biglang kumidlat nang malakas at kitang-kita ko ito sa bintana habang ako ay nananahi. Natakot ako at nagkabuhol-buhol ang sinulid sa makinang ginagamit ko dahil sa pagkataranta at pagkatakot ko sa kidlat.


Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lolita



Sa iyo, Lolita,


Ang ibig sabihin ng sinulid sa panaginip mo ay masasangkot o mapapasama ka sa isang intriga na dulot ng mga intrigera mong kaibigan at masama ang kahihinatnan nito. Masisira ang image mo sa lipunang iyong ginagalawan.


Ang nagkabuhol-buhol na sinulid naman sa makinang ginagamit mo habang ikaw ay nananahi, nagpapahiwatig ito na mawawalan ka ng pera at ari-arian kung hindi ka mag-iingat.


Samantala, ang kidlat naman sa panaginip mo na ang sabi mo ay nataranta ka at natakot nang matanaw mo ito sa bintana, nangangahulugan ito na matatagpuan mo ang iyong sarili na naiipit sa isang sitwasyong mahirap lusutan.


Gayunman, ang sabi mo ay tanaw na tanaw mo sa bintana ang kidlat, ibig sabihin, malapit lang ito sa iyo, nagpapahiwatig ito na makakaiwas ka sa sitwasyong napasukan mo. Magagawan mo ng paraan o solusyon, gaanuman ito kabigat. Malulusutan mo ito, magagapi mo ang iyong mga kaaway at higit sa lahat, magtatagumpay ka sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page