Kahulugan ng ipinakita ng Diyos ang langit at impiyerno
- BULGAR
- Jan 22, 2022
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 22, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Elsa ng Nueva Ecija.
Dear Maestra,
Araw-araw akong nagsisimba kahit umuulan at sabi ng mga kapitbahay namin, sobra ang pagiging relihiyosa ko.
Napanaginipan ko na ipinakita sa akin ng Diyos ang kalangitan, tapos malaki ang mga tao at mas malaki sila kaysa sa mga ordinaryong tao. May nakita rin akong mga anghel na nag-aawitan sa saliw ng organ na tinutugtog ng isang lalaki na may balbas, at pagkatapos mag-awitan ng mga anghel, ipinakita naman sa akin ng Diyos ang hitsura ng impiyerno pero bubong lang ang ipinakita Niya sa akin. Tapos pabilog ang bubong na parang Araneta coliseum at napakalakas ng apoy sa paligid ng bubong.
Sobrang init din at naglalagablab ang usok ng apoy. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Elsa
Sa iyo, Elsa,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo tungkol sa langit dahil ito ay nangangahulugan na ang buhay mo ay magiging masaya at matatapos na ang iyong mga problema. Hindi ka na daranas pa ng anumang gulo gaya ng naranasan mo noon, kung saan masyadong magulo ang iyong buhay.
Ang mga anghel naman na umaawit sa saliw ng organ ay nangangahulugan ng kasaganaan, kaligayahan at magiging mapalad ka sa buhay may-asawa, kumbaga, susuwertehin ka sa iyong karelasyon.
Samantala, ang impiyerno ay nangangahulugan ng paghihirap at pagdurusa. Ito rin ay nagpapahiwatig ng pagkalugi sa negosyo. Samakatuwid, may posibilidad na danasin mo ang kasaganaan pero ito ay mapapalitan ng paghihirap at pighati. Ganyan talaga ang buhay sa mundo, paikot-ikot lang.
Nagpapahiwatig din ang panaginip mo na kung ikaw ay tatahak ng tuwid na landas, sa langit ka dadalhin ng Diyos, kung saan may mga anghel na nag-aawitan at inaaliw ka sa saliw ng organ. Kung namuhay ka naman sa kasamaan, sa impiyerno ang bagsak mo, kung saan tiyak na hindi mo makakayanan ang sobrang init ng nagbabagang apoy sa kapaligiran.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments