Kahulugan ng ipinabunot ang ngipin sa harapan
- BULGAR

- Sep 3, 2020
- 1 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 3, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Mildred na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanaginip ako pinabunot ko sa dentista ‘yung ngipin ko sa harapan. Ano ang ibig sabihin nito? Salamat!
Naghihintay,
Mildred
Sa iyo Mildred,
Haharapin mo ang mundo nang may masayang mukha, may ngiti at sa bibig mo magmumula ang mga salitang magpapamalas ng iyong galing at husay.
Ang ganitong panaginip ay napapanaginipan ng mga taong kumita nang malaki sa pagbebenta ng mga lupa at ari-arian, kaya malaki ang pag-asa na yumaman ka kung ikaw ay mag-aahente.
Kaya rin alisin mo na ang madalas na pagiging mahiyain mo, duwag at mahina ang loob, lalo na kapag ang kakausapin mo ay alam mong mayaman o sobrang yaman.
Isipin mo, yumayaman ang mahirap kapag hindi siya takot na makisalamuha sa mayayaman. Umaasenso ang tao kahit sa pamamagitan lang ng pakikipag-usap sa asensadong mga nilalang.
Umaangat ang buhay ng taong hindi takot na makipagpalitan ng kaisipan sa mga taong nasa mataas na antas ng lipunan.
Simple naman ang kailangan sa ganitong mga bagay – dapat ay may masayang mukha, ngiti at nakapagsasalita nang may tiwala sa sarili.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments