Kahulugan ng ininom ang kape kahit mainit pa
- BULGAR
- Jan 30, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 30, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dexter ng Olongapo, Zambales.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat d’yan sa BULGAR. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na nag-iisa ako sa bahay kubo namin sa bukid, tapos nahiga ako sa sahig dahil walang kama ru’n at nakatulog ako nang mahimbing.
Pagkagising ko, nagpakulo ako ng kape at uling ang ginamit kong panggatong dahil walang kalan de gazul doon. Nang kumulo ang kape, ininom ko ito habang mainit pa.
Biglang dumating ang tatay ko at pinainom ko rin siya ng mainit na kape. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Dexter
Sa iyo Dexter,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta ka sa bukid, nahiga sa sahig at nakatulog nang mahimbing ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng mga bagong kaibigan. Ang uling naman na ginamit mo para magpakulo ng kape ay nangangahulugan na magiging abala ka sa dami ng mga trabaho na dapat mong tapusin. Gayunman, ito ay magdudulot sa iyo ng malaking kita.
Ang kape na ininom mo habang mainit pa, ito ay nagpapahiwatig na makakatagpo ka ng kaligayahan at kapanatagan ng isipan sa nalalapit na mga araw.
Samantala, ang ama mo na biglang dumating at pinainom mo rin ng kapeng mainit ay nangangahulugan na ang kaligayahan na dapat daranasin mo ay mahahadlangan ng biglaang pangyayari. Pero hindi ka dapat mabahala dahil nand’yan ang ama mo na handang dumamay sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments