top of page

Kahulugan ng ginabi sa Cathedral at maliwanag na buwan

  • BULGAR
  • Apr 2, 2022
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 2, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joanne ng Mindoro.


Dear Maestra,


Malapit na akong ikasal at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko kung may kaugnayan ito sa nalalapit kong pagpapakasal.


Napanaginipan ko na naisipan kong pumunta sa isang cathedral dito sa amin. Medyo gabi na nang pumunta ako para mag-meditate at magdasal. Matagal-tagal din akong nagmunimuni at nagdasal nang taimtim, bukod sa aking sariling hangarin, gayundin para sa kapayapaan ng sandaigdigan at nawa’y matigil na ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.


Dahil sa tagal ng aking pagdarasal, gabing-gabi na akong natapos. Paglabas ko ng cathedral, maliwanag ang buwan at napakaganda nitong pagmasdan. Ang sarap ng aking pakiramdam na para bang nakalutang ako sa ulap.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Joanne



Sa iyo, Joanne,


Napakaganda ng ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa cathedral dahil ito ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng malaking halaga at ito ay mangagagaling sa yumao mong kapamilya. May mamanahin kang pera ayon sa kanyang will and testament. Nagpapahiwatig din ito na may matatanggap kang magandang balita mula sa isa sa mga kasamahan mo sa simbahan.


Samantala, ang maliwanag na sikat ng buwan naman na ang sabi mo ay napakaganda at masarap sa pakiramdam nang iyong pagmasdan ay nangangahulugan ng kasaganaan at kaligayahan sa nalalapit mong kasal. Magiging matagumpay ang balak mong pagpapakasal. Ito rin ay nagpapahiwatig ng tagumpay sa negosyo na may kaugnayan sa agrikultura at pagsasaka.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page