Kahulugan ng cake at tinapay
- BULGAR
- Feb 26, 2022
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 26, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gloria ng Ibaan, Batangas.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na bumili ako ng oven, tapos nag-bake ako ng cake at gumawa rin ako ng iba’t ibang klase ng tinapay. Nasobrahan ang luto ko at nasunog ‘yung tinapay, pero maganda naman ang kinalabasan nu’ng cake. Tapos naisipan kong ilagay lahat sa dining table namin ‘yung mga nagawa ko at nilagyan ko pa ng 10 birthday candles ang cake para magmukha itong birthday cake. Gumawa rin ako ng mga pastry at inihain kasama ng tinapay at cake. Hiniwa ko ang cake at tinikman ko, gayundin ang mga tinapay na nakahain.
Nasarapan ako sa mga tinapay kaya marami akong nakain.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gloria
Sa iyo, Gloria,
Ang ibig sabihin ng nagluto ka sa oven ay magtatagumpay ka sa iyong mga pangarap sa buhay.
Ang cake naman ay nagpapahiwatig na susuwertehin ka. Ang sabi mo ay nilagyan mo ito ng birthday candle at sinindihan para magmukhang birthday cake, ito ay nangangahulugan ng kasaganaan sa buhay at kalusugan ng katawan. Ang 10 pirasong kandila ay nangangahulugan naman ng tagumpay pagkatapos ng matitinding pagsubok sa buhay. Tatamuhin mo na ang gantimpala ng iyong mga sakripisyo noon.
‘Yun namang hiniwa mo ang cake ay nagpapahiwatig na ang suwerte mo ay pansamantala lamang. Samantala, ang sabi mo ay nasarapan ka sa tinapay kaya marami kang nakain, ibig sabihin, malalagpasan mo ang hindi magagandang pangyayari na nakatakdang dumating sa buhay mo.
Ang nasunog ang ibang tinapay na niluto mo ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng hindi pagkakaunawaan sa iyong kaibigan. Matutuklasan mo na matagal na pala siyang may kinikimkim na inggit sa iyo. Naiinggit siya sa magandang buhay na tinatamasa mo sa kasalukuyan.
Ang pastry na ginawa mo ay nangangahulugan na malapit ka nang magpakasal sa isang taong may sinasabi sa buhay. Napabibilang siya sa mayamang angkan at iginagalang sa lipunan.
Wedding invitation naman ang ipinahihiwatig ng tinikman mo ang ginawa mong pastry na nakahain sa mesa.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments