Kahit may COVID pandemic, tuloy… LIZA AT ENRIQUE, GAGAWA NG BAGONG MOVIE
- BULGAR

- Aug 10, 2020
- 2 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | August 10, 2020

Nabitin man ang libu-libong fans na sumubaybay sa love story nina Billy at Gabo sa teleseryeng Make It With You ng ABS-CBN sa direksiyon ni Direk Theodore "Ted" Boborol, makakaasa ang mga fans na muling magiging busy ang mag-sweetheart na sina Liza Soberano at Enrique Gil sa bagong project nila.
Matatandaang nitong Marso, 2020 huling umere ang serye nilang MIWY at hindi na ipinagpatuloy ang pag-ere sa kabila ng pagbabalik ng mga programa ng network sa Kapamilya Channel.
Paliwanag ni Direk Boborol, hindi na itinuloy ang pag-ere nito dahil maliban sa mga hamong kakaharapin dulot ng pandemya, ang isa pang naging problema ay ang pagkansela ng Kamara sa prangkisa ng ABS-CBN.
“ABS-CBN was already badly hit by the pandemic, and then suffered a double blow when its renewal was not granted. Decisions had to be made and we respect and understand why it ought to be done,” paliwanag ni Direk Ted.
Well, sa kabila ng mga kinakaharap na problema, may bawi namang good news dahil muling bibida ang LizQuen sa isang bagong pelikula kung saan si Direk Cathy Garcia-Molina ang naatasan bilang direktor.
Ito ang kinumpirma ng talent manager ni Liza na si Ogie Diaz sa kanilang pag-uusap ng batikang direktor nitong nakaraang Sabado (Agosto 8).
Pero dahil sa patuloy na pandemya, inanunsiyo ni Ogie na hihintayin muna nilang bumaba ang kaso ng COVID bago simulan ang shoot para sa nasabing pelikula, para na rin daw sa kapakanakan ng dalawang artista.
“‘Pag bumaba lang 'yung bilang everyday ng COVID cases, puwede na silang magtrabaho. 'Yun lang naman 'yun. Nakakatakot ngayong magtrabaho kahit naka-lock-in ka,” sabi ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Siyempre, hindi naman tayo mukhang pera. Long term tayo, eh. Mas [concerned] ako sa health noong mga bata.”
Sasailalim umano sa isang lock-in shoot ang dalawa sakaling magsimula na ang paggawa ng pelikula. Ibig sabihin, walang uwian habang isinu-shoot ang nasabing project.
Kinumpirma rin ni Ogie Diaz na bukod sa pelikula, magkakaroon din ng bagong teleserye ang LizQuen bilang panghalili sa nasabing seryeng hindi na itinuloy.





Comments