Kahit ‘di pasado sa board, nursing graduates, puwede na sa gov’t hospital
- BULGAR
- Jun 20, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 20, 2023
Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na ang mga nursing graduates na nakakuha ng bahagyang mas mababa sa 75% passing score sa board exam ang papayagang magtrabaho sa mga government hospital kahit hindi sila nakapasa sa pagsusulit.
Ito ang nilinaw ni Herbosa kaugnay ng plano niyang kumuha ng mga unlicensed nursing graduates para magtrabaho sa gobyerno, dahil nabigyan na sila ng pagkakataon na pumasa sa board exam matapos ang tiyak na tagal ng panahon.
Ayon sa opisyal, ita-tap nila ang mga nurse na board eligible, o nakapasa. Pero hindi lahat, kaya ang mga nurse na lumagpak na, 70-74% ang marka ang papayagan. Giit niya, hindi nila tatanggapin ang lahat ng mga nag-flunk, ngunit ang mga nagmarka lamang ng 70-74%.
Paliwanag ni Herbosa, na isa ring propesor, ang mga may grades na 70 hanggang 74, ay puwede niyang ipasa. At kung nakita niyang maganda naman ang recitation at performance nito ay ipapasa niya ito sa klase.
Sinabi pa ng DOH chief na sinang-ayunan na rin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang naturang panukala habang nangako itong makikipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission (PRC) para magbigay ng pansamantalang lisensya sa mga kwalipikadong nursing graduates.
Binigyan-diin naman ni Herbosa na kapag nakapasa sila sa board exam, ang mga licensed nurse ay kailangang pumirma sa four-year return service agreement at magbigay ng serbisyo sa mga government hospital bago sila payagang makapunta sa ibang bansa.
Kapag pinayagan nang magtrabaho sa gobyerno, ang mga nursing graduates ay maaaring makakuha ng starting salary ng tinatayang P35,000 hanggang P40,000, na tataas pa batay sa kanilang experience.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Herbosa na nag-alok ang pribadong sektor na sasagutin ang mga gastusin para sa board review ng mga kwalipikadong nursing graduates.
Sa ngayon, mayroong 4,500 na bakanteng plantilla items para sa mga nurse sa mahigit 70 ospital ng DOH.
Gayunman aniya, huwag umasa na lahat ng nurse ay papayagan dahil may mga detalye pang kailangan at ang 4,500 vacancies ay hindi lahat ng Metro Manila, kung saan sa buong bansa ito.
Sakaling mapuno na, ititigil na muna ang temporary license.
Magandang pagkakataon ito para sa mga bagong graduate na nurse kahit na wala pa silang lisensya ay makakapagtrabaho na at magagamit agad ang kanilang pinag-aralan.
Hindi rin kasi madali na maipasa ang licensure examinations lalo na sa Nursing course.
Kesa nga naman matengga lang sa bahay, mas mabuting makatulong at makapag-alaga ng mga maysakit at makapagpraktis pa sa mga ospital.
Mabuti rin na sinusuportahan sila ng kinauukulan para lalo silang magsipag at magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments