Kahit ‘di kasal… Bebot, sure na si Mr. Aquarius ang makakasama habambuhay
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | October 15, 2023
Dear Maestro,
May kinakasama ako ngayon pero hindi kami kasal. Siya na kaya ang makakasama ko habambuhay? Gusto ko rin sanang humingi ng mapalad na numero kasi madalas kaming tumataya ng lotto, at mga pandisplay sa bahay na humahatak ng suwerte at magandang kapalaran.
Isinilang siya noong February 15, 1990 habang ako naman ay October 3, 1993.
Umaasa,
Rona ng Gaya-gaya, SJDM, Bulacan
Dear Rona,
Ayon sa zodiac sign mong Libra at birth date na 3, tunay ngang compatible kayo.
Sapagkat, ang zodiac sign niyang Aquarius at birth date na 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6) ay tugma at compatible, dahil kapwa kayong nagtataglay ng elementong hangin.
Samantala, sa Numerology naman kapwa nasasakop ang numero n’yong 3 at 6 ng numerong kung
tawagin ay series of 3-6-9. Ibig sabihin, sadyang tugma at compatible talaga kayo.
Nangangahulugan din na kung kasal man kayo o hindi ng lalaking kinakasama mo ngayon, patuloy na titibay, at magiging maligaya ang inyong pag-iibigan.
Pero, mas maganda kung magpapakasal kayo upang lalo pa kayong suwertehin at magkaroon ng mga pagpapala sa buhay.
Dahil hangin ang pareho n’yong elemento sa zodiac sign mong Libra habang Aquarius naman siya.
Kapag tataya kayo ng lotto, huwag kayong tataya sa panahong maalinsangan ang panahon o walang kaihip-ihip na hangin. Sa halip, mentras malakas ang hampas at ihip ng hangin sa kapaligiran ‘yun ang magandang senyales o indikasyon na kayo ay tatama ng jackpot sa kahit ano’ng uri ng pakikipagsapalaran.
Piliin n’yo ang mga numerong hangin, tulad ng 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, at lahat ng numero na may sumatotal na 3 at 6. Itapat n’yo rin ang pagtataya sa pinakapaborableng buwan para sa mga taong air type signs tulad n’yo, ito ay sa buwan ng Pebrero, Hunyo, Setyembre at Oktubre.
Magsisilbing personal n’yo namang anting-anting ang mga dekorasyong tumutunog kapag nahihipan ng hangin, tulad ng mga wind chime, at pendulum.
Puwede ring pandisplay sa bahay ang mga laruan o aktuwal na istraktura ng mga bagay na lumilipad sa hangin tulad ng saranggola, goryon, eroplano, elesi, at iba pang hayop o insekto na may pakpak, tulad ng tutubi, bubuyog, paru-paro, lawin, at aguila.
At dahil nga compatible kayo ng kinakasama mong lalaki sa pag-aanalisang Astrology at Numerology iminumungkahi na ngang kayo ay magpakasal kung kapwa naman wala pa kayong pananagutan sa buhay, upang sa ganyang paraan kapag kinasal na kayo at nabasbasan ng matrimonyo ng kasal, kusa nang dadaloy ang mas marami pang suwerte at biyayang pang- espirituwal sa inyong pamilya hanggang sa tuluy-tuloy na mas maging maligaya at lalo pang sumagana ang itatayo n’yong pamilya habambuhay.




Comments