top of page
Search
  • BULGAR

Kahit anong sistema, hangga't may korup, walang mangyayari sa gobyerno

@Editorial | August 18, 2022


Korupsiyon ang isa sa pinakamatindi nating kalaban.


Sinisira nito ang maraming bagay at lalong nilulubog sa kahirapan ang sambayanan.


Matagal na sana tayong nakabangon mula sa mga nagdaang kalamidad, trahedya at pandemya kung naitawid sana nang maayos ang pondo.


Marami nang anomalya ang nabulgar at may mga korup na ring nakulong pero 'yun nga lang, nakalaya naman at nakabalik pa sa gobyerno.


Nasasaksihan natin kung paano umikot ang sistema, umikot sa palad ng mayayaman, kilala at makapangyarihang opisyal ng gobyerno at mga pulitiko. Nakakalungkot dahil sa halip na sila ang mag-ahon sa kahirapan, sila ang mas lalong umangat at ang mahihirap, mas lalong nabaon.


Bagama't aminado ang nakaraang administrasyon na laganap talaga ang korupsiyon, tila kulang pa rin ang ginawa nilang paglaban. May mga nagisa pa sa kanilang hanay.


Kaya inaabangan kung ano naman ang magiging aksyon ng kasalukuyang administrasyon.


Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ang nakikita niyang solusyon ay ang digitalization.

Ito ang naiisip umano niyang reporma para mapagbuti pa ang serbisyo sa mga ahensya tulad ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na ayon sa ilang reports ay lumalabas na corrupt at problematic government agencies.


Kapag pinag-uusapan ang isyu sa korupsiyon at kontrobersiya, ang nangunguna umano sa listahan ay ang BOC at BIR.


Ayon naman sa BOC, nag-shift na sa online transactions. Habang ang BIR, target umanong magkaroon ng moral transformation sa mga empleyado sa pamamagitan ng webinars at training.

Kapwa tiniyak ng BOC at BIR na maisasakatuparan ng zero-contact transactions sa kanilang mga ahensya.


Para sa atin, anumang sistema, hangga't may korup, walang magbabago. Kaya dapat unang mawala ay ang mga kapalmuks sa gobyerno.


Pabilisin ang imbestigasyon at talagang tuluyan ang mga kawatan.


Panahon na para linisin ang kabuuan ng pamahalaan. Batid natin na mahirap pero, posible kung gugustuhin.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page