Kahirapan, mas lalong tutukan
@Editorial | November 9, 2021
Ngayong mas pinababa na ang quarantine restrictions sa Metro Manila, inaasahan na mas maraming trabaho na ang maibabalik.
Ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), mas marami na kasing negosyo ang madaragdagan ang kanilang operating capacity dahil sa pagluluwag sa quarantine.
Kitang-kita naman natin ang pagdagsa ng mga bata at matanda sa mga pasyalan at iba’t ibang establisimyento. Grabe na rin ang trapik.
Aakalain na nating wala nang pandemic, kung hindi lang naka-facemask ang mga tao.
Kaya kung masaya ang mga bagets na muli silang nagapamasyal, tiyak na ganundin ang mga empleyado na matagal-tagal ding nawalan ng maayos na hanapbuhay. ‘Yung iba, nakahanap na ng pamalit, habang may iba na talagang umaasa lang sa raket at naghihintay na makabalik sa regular na trabaho.
Samantala, kasabay naman ng pagdiriwang ng “International Day to Overcome Extreme Poverty”, patuloy ang panawagan sa gobyerno na tutukan ang mga programa laban sa kahirapan, lalo na ngayong may pandemya.
Sa kabila ng napakaraming isyu, lalo na sa pulitika, ang mga ito pa rin ang dapat na mapaglaanan ng pansin — sapat na pagkain, disenteng trabaho, de kalidad na edukasyon, pabahay at mahusay na healthcare system.



Comments