top of page

Kahirapan, dagdag-kalaban ng mga estudyanteng kapos sa buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 10, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 10, 2020



Habang papalapit ang pagbubukas ng klase, kani-kanyang diskarte ang mga magulang at estudyante para makasabay sa bagong paraan ng pagtuturo sa gitna ng pandemya.

May ilang bumili ng second-hand cellphone o computer at ibinarter ang alagang mga manok para makabili ng gadget.


Kaugnay nito, kumalat sa socmed ang screenshot ng chat messages kung saan nag-aalok ng mga hubad na larawan ang nagpakilalang estudyante kapalit ng pera na gagamitin pang-enroll sa eskuwelahan at pambili ng cellphone para sa online class.

Bagama’t walang sinabi kung magkano, kahit ano’ng halaga ay makatutulong na umano para hindi siya mahinto sa pag-aaral.


Paliwanag ng National Union of Student of the Philippines, totoong nangyayari ang ganitong transaksiyon.


Ayon sa PNP Women and Child Cybercrime Protection Unit, may mga nabibiktima ring kabataan na matapos magbigay ng kanilang hubad na litrato online, hindi na sila binayaran. Paliwanag ng PNP, minsan ay malaki ang offer kaya napipilitan silang magbigay ng nude photo.


Habang gusto nating himukin ang kabataan na itigil ang gawaing ito, dapat makita rin natin kung ano ang nagtutulak sa kanila na gawin ito.


Kahit mahirap ang buhay, hindi nila ito papasukin kung may maibibigay na kongkretong tulong ang pamahalaan para makasabay ang lahat sa online learning at siguruhing hindi sila matigil sa pag-aaral.


Bago pa magkaroon ng pandemya, matagal na itong isyu. Pero dahil maraming nawalan ng trabaho at palapit nang palapit ang klase, wala silang choice kundi kumapit sa patalim kahit labag ito sa kanilang kalooban.


Pakiusap sa DepEd, tingnan at pag-aralan ang mga kasong ito, gayundin, alamin kung paano mapoprotektahan ang ating mag-aaral.


Marahil, marami sa kanila ang kapos talaga, sana’y makita ng kinauukulan na kahirapan ang numero-unong kalaban ng mga mag-aaral na ayaw mapag-iwanan.

Nakakalungkot na katotohanan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page