Kahalagahan ng krus na pinapasan ng bawat isa
- BULGAR

- Aug 13, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | August 13, 2020
Ang ebanghelyo ng misa noong nakaraang Biyernes ay tungkol sa pagsunod kay HesuKristo.
“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Malinaw na merong tatlong bahagi ang sinabi ni HesuKristo tungkol sa pagsunod sa Kanya. Una, kailangang limutin ang sarili ng nais sumunod sa Kanya. Pangalawa, kailangan niyang pasanin ang kanyang krus at pangatlo, kung sinikap nang tuparin ang una at pangalawang kondisyon, masasabing handang sumunod sa Kanya ang naghahangad na sumunod.
Kamakailan ay ipinakita sa atin ng isang staff ng simbahan ang video na naganap sa estero sa Kamuning, Quezon City. Rumaragasa ang tubig sa estero dahil sa malakas na ulan. Bigla na lang tinangay ang isang malaking puno kaya nagsigawan ang mga tao at hindi nagtagal ay tinangay din ang isa pang puno. At ang nakatayong bahay ay parang karton na winasiwas at tinangay ng rumaragasang tubig.
Hindi natin kayang labanan ang kalikasan. Kapag ito ay ating inabuso at dahil dito ay nagkakaroon ng sakuna tulad ng baha, lindol, pagsabog ng bulkan, tsunami, kidlat o pandemya na wala tayong sapat na kakayahan upang salagin at pigilin.
Napakatagal na nating kinalimutan ang kalikasan. Bakit? Dahil sa sobrang pagsisilbi natin sa pangangailangan ng ating sarili. Hindi masamang alalahanin ang pangangailangan ng sarili, ngunit kung wala na tayong iba pang ginagawa kundi ito, napakarami nating makakalimutan na mauuwi sa kapahamakan.
Napakaraming nakalimutan dahil sa labis na pagsisilbi sa sarili. Nakalimutan na ang pakikipagkapwa-tao, lalo na ang mga maliliit at mahihirap. Madali na manglait, mangmaliit at mambalewala ng iba. Nakalimutan na ang disenteng pananalita — umiiral na ang pagmumura at mabababaw na usapan. Nakalimutan na ang kalinisan — napakarami nang kalat at basura sa kapaligiran. Nakalimutan nang tumulong, alalayan ang mga magulang o ang matatanda.
Kinalimutang mahalin at ipagtanggol ang Inang Bayan. Nakalimutan na rin ang kahalagahan ng katotohanan. Tila katanggap-tanggap na ang pagsisinungaling at ang pagpalakpak sa mga gawa-gawang istorya — nakalimutan na rin ang Diyos na Lumikha at nagbibigay-buhay sa lahat.
Kasabay ng pagkilala sa mga bagay na sadyang mahalaga at nagbibigay-buhay ay ang pananagutang itaguyod at ipagtanggol ang mga ito. Ito ang krus na dapat nating pasanin, hindi dahil nais nating pahirapan ang sarili, kundi likas na bahagi ng buhay ang responsbilidad o ang pananagutan. Ang bawat biyaya ay may katapat na responsibilidad — hindi ibinibigay ng Diyos ang anumang kakayahan at kayamanan para solohin o sarilinin.
Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, hindi na maaaring balewalain ang kalusugan. Lubhang mahalaga na manatiling malusog at malakas. Kitang-kita ang kahalagahan ng malusog at malakas na pangangatawan.
Sa gitna ng pandemya, palakasin at patuloy na palakasin ang katawan — ang “immune system.” Ito ang napakahalagang krus, ang pananagutan para sa kalusugan at buhay ng bawat isa.





Comments