Kahalagahan ng karapatang-pantao sa panahon ng pandemya
- BULGAR
- Dec 12, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 12, 2021
Ipinagdiriwang taun-taon ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Pantao tuwing ika-10 ng Disyembre.
Noong ika-10 ng Disyembre, 1948 inilathala ng United Nations ang Universal Declaration of Human Rights o UDHR. Ito ang dahilan ng taunang pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng Karapatang-Pantao.
Ayon sa UDHR, ang bawat tao ay may likas na karapatan na hindi maaaring hadlangan ng kulay ng balat, relihiyon, kasarian, wika, pam-pulitikang pananaw at iba pa. Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “Equality-Reducing Inequalities, advancing human rights.”
Ayon sa temang ito, kailangang hanapin ang paraan upang wakasan ang nagpapatuloy na diskriminasyon sa kababaihan, mga katutubo, taong nagmula sa Africa, miyembro ng LGBT, migrante at mga taong merong kapansanan.
Maganda at mahalagang dokumento ang UDHR. Ito ang batayan ng anumang makabuluhan, malaya at demokratikong bansa ay kinikilala at pinapaloob ang mga prinsipyo ng UDHR sa kayang sistema ng katarungan, ekonomiya, edukasyon at ibinababa higit sa lahat sa mga ahensiyang binigyan ng kapangyarihan gamitan ang puwersa sa pagtatanggol ng bansa laban sa kalaban o sa mga itinuturing tiwali at kriminal na elemento ng lipunan. Malinaw sa mga bansang ginagamit ang mga prinsipyo ng UDHR na kailangang pag-aralan at patuloy na palalimin ang kaalaman at pang-unawa sa mga karapatang-pantao upang maging mabisa at epektibo ang gamit nito para sa pagbubuo ng malaya, mapayapa at demokratikong pamahalaan.
Magandang itanong kung gaano kalinaw o kalalim para sa mga Pilipino ang karapantang-pantao na nagmumula sa dangal ng tao. Kaya’t isa sa mga mandato ng Commission on Human Rights ay ang pagtuloy na pagpapalaganap ng Human Rights Education o ang paghuhubog batay sa Karapatang-Pantao na nagmumula sa kanyang dangal o dignidad.
Bago namatay ang Commission on Human Rights chair na si Chito Gascon, ipinaliwanag niya sa amin ang pananagutan at paninindigan ng CHR sa pagpapalaganap ng Edukasyon sa Karapatang-Pantao. Kaya sinimulan nila ang programang tinawag nilang Dignidad. Sayang at namatay si Chito Gascon pagkatapos naming mag-usap. Subalit nagkasundo kami na susuporta sa kani-kanyang pagsulong ng Karapantang-Pantao.
Mahaba at seryoso ang usapan namin ni CHR Chair Chito Gascon, ngunit sa kasawiang-palad ay namatay siya noong ika-9 ng Oktubre, 2021. Opo, namatay si Chair Chito noong panahon ng pag-file ng kandidatura ng iba’t ibang kandidato sa pambansang halalan sa darating na Mayo 2022. At luminaw kung sinu-sino ang mamamayang tatakbo sa darating na eleksiyon. At pare-parehong nadismaya na lamang ang mga nabiktima, naloko at nasaktan ng diktador at ng kanyang asawa. Paano nakatakbo ang anak ng mag-asawang diktador noong panahon ng Martial Law? Nakalimutan na ba ng mamamayan ang mga ginawa ni ex-P-Marcos, ng kanyang mga cronies, loyalists, heneral at die-hard kababayan?
Nakalimutan o walang alam? Meron bang masugid na programa ng pagtuturo tungkol sa kasaysayan, hindi lang sa nagdaang mga taon, kundi sa mga nangyari sa nakaraang 40-taon, mula 1965 hanggang sa kasalukuyan?
Noong Martes, ika-7 ng Disyembre, 2021, lumabas sa YouTube ang talakayan ng mga paring diyosesanong Pinoy tungkol sa tamang pag-unawa sa mga nangyari sa nakaraan, lalo na sa panahon ng Martial Law at ang iba pang pangyayari. Nagtalakayan tungkol sa parating na eleksiyon sa YouTube sina Fr. Andiy Engargo; Fr. Edu Gariguez at Fr. Robert Reyes. Sa nasabing talakayan binigyang-diin natin ang sinabi ni Mahatma Gandhi, “Wala akong sinasamba maliban sa Katotohanan at wala akong pinagkakautangan ng disiplina maliban sa Katotohanan.”
Pagkaraan ng pitong dekada mula 1948, tila problematiko pa rin ang pag-unawa sa dangal at karapatang-pantao. Bakit kaya? Ipinaliwanag ko kung paano napabayaan ng ating pamahalaan at naturang “edukasyon sa katotohanan at sa kasaysayan” mula pa noong panahon ng Martial Law ng pangulong naging diktador (Marcos) hanggang sa kasalukuyang administrasyon. Ano ang ginawa ng mga Hudyo pagkatapos ng World War II? Agad nilang sinimulan ang naturang “Holocaust Studies” at nagtayo ng mga Holocaust memorial saanmang merong Hudyo.
Wala tayong Martial Law Studies at kakaunti ang mga naitayong Bantayog tungkol sa Martial Law maliban sa Bantayog ng mga Bayani sa kanto ng Quezon Ave. at EDSA. Hindi lang legal at konstitusyunal na pananagutan ang pag-aralan ang kasaysayan. Ito rin ay moral na pananagutan.
Nagkulang ang marami nating mga lider. Subalit nagkulang din ang maraming mamamayan.
Paano tayo magkakaroon ng malaya, mapayapa at masigasig na pagtatanggol sa dangal at karapatan ng bawat Pilipino kung walang nagtuturo o nagpapaliwanag nito mula pa sa mga bata hanggang sa ating pagtanda? Hindi lang ang tamang pagboto ang kailangang ituro -- ituro at palalimin din ang dangal at karapatang-pantao.
Comments