Ka-compatible ang BF na may live-in partner
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 04, 2022
Dear Maestro
November 2, 1994 ang birthday ko, habang July 16, 1992 naman ang boyfriend ko na may live-in partner na. Hindi pa naman niya asawa ang nasabing babae dahil hindi pa sila kasal at wala pang isang taon silang nagsasama, gayundin, wala silang anak. Sabi kasi niya sa akin, mas mahal niya ako kaysa sa kinakasama niya at sinabi ko sa kanya ang totoo na mahal na mahal ko pa rin siya kahit may kinakasama siyang iba.
Sa ngayon, madalas nang may nangyayari sa amin at dahil mahal na mahal ko siya, gustuhin ko mang tumanggi ay hindi ko magawa. Ang hindi ko lang maisip ay bakit mahal niya raw ako, pero bakit ayaw niya pang hiwalayan ‘yung live-in partner niya?
Minsan tuloy, naiisip ko na ginagamit niya lang akong parausan. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung may maganda bang kauuwian ang ganitong relasyon namin at kung dapat ko pa ba itong ituloy o sa bandang huli, kami pa rin ang magkakatuluyan?
Umaasa,
Abigail ng Barretto, Olongapo City
Dear Abigail,
Ultimatum o deadline ang dapat mong ibigay sa boyfriend mo upang maging klaro ang takbo ng isipan mo at maging malinaw na rin kung saan hahantong ang inyong magulong relasyon.
Minsan, sadyang maraming problema ang tao na gumugulo sa isip niya, pero sa pamamagitan ng “deadline”, ito ang tatapos sa kanyang mga suliranin at kaguluhan ng buhay. Sa simpleng tanong na hanggang kailan ako maghihintay?
Ganu’n ‘yun! Sabihin mo sa boyfriend mo na kung talagang mahal ka niya, makapaghihintay ka.
Halimbawa, hanggang sa April o May 2022, upang wakasan na niya ang relasyon sa live-in partner niya kung ikaw talaga ang mahal niya.
Pagkatapos, sabihin mo rin sa kanya na pagdating ng nasabing buwan, kapwa tawad na kayo dahil sa parte mo, kailangan mo namang mag-move on at maghanap ng lalaking may “future” o ‘yung papakasalan ka, binata at makakasama mo habambuhay.
Ang nabanggit na buwan ay halimbawa lamang. Kung naiinip ka, ikaw na ang magtakda ng deadline. Ngunit bago dumating ang buwan o petsang itinakda mo, kailangang nakapagdesisyon na siya kung sino sa inyong dalawa ang kanyang pakikisamahan habambuhay.
Kapag hindi ka niya pinili, okey lang, at least, hangga’t maaga ay nalaman mo ang magiging hantungan ng inyong relasyon. Kung ikaw naman ang pipiliin, magpapasalamat ka pa sa ibinigay mong deadline dahil na-pressure mo siyang magdesisyon.
Samantala, sa pagsusuring Astrology, tunay na ka-compatible ng zodiac sign mong Cancer ang zodiac sign na Scorpio ng boyfriend mo, sapagkat ang Scorpio at ang Cancer ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong water o tubig.
Habang sa pagsusuring Numerology, ang weak number mong 2 at weak number niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay sadyang tugma sa isa’t isa, kung saan bukod sa pagiging tugma ng inyong mga numero, statistically speaking, maraming magkasintahan na may birth date na 2, 11, 20 at 29, na ang nakatuluyan silang mga isinilang sa petsang 7, 16 at 25.
Samantala, ayon sa iyong Love Calendar, sa taong kasalukuyan, sa buwan ng Abril o Mayo, sigurado na ang magaganap— makakapagdesisyon na rin ang boyfriend mo kung sino ang pipiliin at pakikisamahan niya. At kung hindi naman niya ka-compatible ang kanyang live-in partner, tiyak na ang magaganap, ikaw ang kanyang pipiliin upang makasama sa pagbuo ng simple pero masayang pamilya habambuhay.




Comments