Judoka Watanabe halos pasok na sa Olympics
- BULGAR

- Jul 5, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 5, 2020

Halos nakasisiguro na ng isang ticket patungong 2021 Tokyo Olympics si 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist Kiyomi Watanabe ng women’s judo sakaling maglabas na ng opisyal na anunsyo ang International Federation ng kanilang pampalakasan.
Inihayag ni Philippine Judo Federation (PJF) president David Carter na pinanghahawakan ngayon ng 23-anyos na Filipina-Japanese ang isang Continental Quota na nagbibigay ng karapatan rito upang makapaglaro sa quadrennial games batay sa posisyon niya ngayon sa Olympic rankings ng International Judo Federation (IJF).
Gayunpaman, umaasa si Carter na madaragdagan pa ang bilang ng kanilang mga qualified national athlete sa darating na 2021 Summer Olympics sakaling umangat sa kanyang international rankings ang 4-time Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist.
“Halos sigurado ng makakapasok si Kiyomi sa Olympics,” pagbubunyag ni Carter ng mag-guest ito sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour ng Radyo Pilipinas 2. “Ang hinihintay lang namin dito is the official annouuncement from the International Federation. Kung sakaling mag -cut off ngayon ay paniguradong pasok na siya,” dagdag ni Carter.
Sinabi rin ng judo chief na malaki ang tiwala nito na makukuha pa si Watanabe ng direktang qualifying posisyon sa Olympics upang maihandog sa iba pang Pinoy judoka ang kasalukuyang hawak na Continental Quota.
Ito ay dahil magkakaroon pa umano ng pagbabago sa magiging posisyon ni Watanabe pagdating sa Olympic ranking dahil isang bansa lamang ang mabibigyan ng puwesto sa women’s under-63kgs category, gayundin kung sakaling umangat pa ang posisyon nito sa rankings sa paglahok ilan pang mga qualifying tournaments na maaring buksan ngayong Oktubre o Nobyembre, habang inanunsyo ng International Judo Federation (IJF) na iuusog nila hanggang ikalawang linggo ng Hunyo 2021 ang mga qualifying tourney.
“Right now considered siya [Watanabe] as CQ, kapag umangat pa ng kaunti magkakaroon pa ng isang chance na makapasok ang isa pa sa mga atleta natin,” wika ni Carter.





Comments