Jones Cup: Agee pinuri sa laro, Strong Group solo lider na
- BULGAR
- Jul 19, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 19, 2024

Laro ngayong Biyernes – Xinzhuang Gym
1 p.m. Strong Group vs. Japan
Naging mas matatag sa pangalawang half ang Strong Group Athletics upang patahimikin ang Future Sports, 112-90, at maagaw ang pansamantalang solong liderato ng 2024 William Jones Cup Huwebes sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Pagkakataon ngayon ni Tajuan Agee na umani papuri at nagtrabaho ng husto upang isalpak ang ika-lima nilang tagumpay sa limang laro.
Hindi mailabas ng koponang Pinoy ang kanilang matinding simula na katangian ng kanilang unang apat na panalo. Kinuha ng Future Sports ang unang half, 60-56 at iyan ang hudyat para higpitan ng Strong Group ang kanilang depensa.
Binuksan ng Athletics ang pangatlong quarter sa unang anim na puntos upang kunin ang bentahe sa 3-points ni Kiefer Ravena, 62-60 at biglang lumipat ang takbo ng laro pabor sa kanila. Hinigpitan nila ang depensa at linimitahan ang mga Amerikano sa 16 lang habang namayagpag si Agee para sa 11 puntos at kontrolado ng todo ang laban, 89-76.
Anim na Athletics ang nagtapos na may 10 o higit at ang 112 ang pinakamarami sa torneo. Namuno muli si Chris McCullough na may 24, 18 rebound at 7 assist habang 19 si Agee. Malaki ang ambag ni RJ Abarrientos na 17 puntos. Iba pang pumutok ay sina Jordan Heading na may 11 at Allen Liwag at Ange Kouame na parehong may 10.
Pinangunahan ang Future Sports ng 40-anyos na si Marcus Elliot ang beterano ng ASEAN Basketball League na may 15. Bumaba ang mga Amerikano sa 1-5. Haharapin ng Strong Group ang hamon ng Japan Under-22 ngayong Biyernes simula 1 p.m.
Yorumlar