Jeepney operators/drivers, nagpapasaklolo na
@Editorial | February 28, 2022
Nanawagan na ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Phlippines (FEJODAP) sa pamahalaan na aprubahan na ang P5 taas-pasahe dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
Anila, sa kasalukuyang sitwasyon ay parang ang ginagawa ng mga tsuper ay serbisyo-publiko na lamang.
Hindi naman umano nila minamasama na makatulong sa publiko pero sana man lang ay maramdaman din ng gobyerno ang dinaranas ng mga tsuper.
Sana maunawaan din ang kalagayan ng bawat pamilya na kanilang tinataguyod.
Ngayong linggo, may inaasahan na namang panibagong dagdag-presyo sa petrolyo.
Kung sakali, ito na ang ika-siyam na magkakasunod na linggo nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo mula Enero.
Posibleng tumaas pa ng P0.80 hanggang P0.90 ang kada litro ng diesel habang ang presyo ng gasolina naman ay maaaring tumaas ng P0.90 hanggang P1.00 kada litro.
Samantala, sa Marso 8, magkakaroon ng hearing ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa nasabing apela na P5 fare increase.
Karagdagang P1.50 naman para sa kada kilometro na sobra apat na kilometro.
Sana maging maayos ang pag-uusap at makabuo ng magandang plano kung paano makatutugon sa tumataas na presyo ng petrolyo na talagang damay ang lahat ng bilihin at serbisyo.
Kahit sino ay talagang susuko sa walang tigil na price hike. Hindi na halos umuubra ang madiskarteng pagba-budget o pagtitipid.
Kailangan na ng tulong mula sa ating gobyerno, kaya sana, ngayon na 'yun bago pa lalong lumala ang sitwasyon.



Comments