Jeepney drivers, tuloy sa pamamalimos dahil sa tigil-pasada
- BULGAR

- Sep 6, 2020
- 1 min read
@Editorial | September 6, 2020
Ilang tsuper ang patuloy sa pamamalimos dahil hindi pa nakakabalik sa pasada.
Kaugnay nito, umapela ang isang transport group na payagan na silang bumiyahe lalo na sa mga rutang marami ang sineserbisyuhan.
Kasabay nito ang pangako na palaging susundin ang lahat ng health protocols — face mask, face shield, alcohol, physical distancing at listahan ng mga sasakay.
Kabilang sa mga lugar na sinasabing napakaraming tao at hirap sa transportasyon ay biyaheng Cubao hanggang Antipolo, Pasig hanggang Quiapo, Alabang-Zapote-Baclaran at Guadalupe hanggang FTI.
Ipinapanawagan din na payagan na ang ilang jeep na pumasada sa Metro Manila mula probinsiya dahil marami ring mga trabahador na tumatawid pa galing sa kani-kanilang siyudad para makapaghanapbuhay. ‘Yung iba, matiyagang nagbibisikleta, madaling-araw palang ay pumapadyak na. Masuwerte kung may motorsiklo o may pansamantalang matutuluyan para hindi na kailangang bumiyahe nang malayo araw-araw.
Matatandaang natigil ang biyahe ng mga jeep mula noong Marso matapos isailalim sa lockdown ang Metro Manila at ilang karatig-lugar dulot ng COVID-19 pandemic.
Malaking tulong sana kung may mga alternatibong hanapbuhay hindi lang sa mga jeepney driver kundi sa iba pa na talagang apektado ng lockdown. Ito ang isa sa mga dapat nang simulan ng gobyerno. Huwag na sanang maulit na pare-pareho tayong nangangapa sa sitwasyon at naghihintay na lang sa mangyayari.



Comments