James Younghusband magiging coach na?
- BULGAR

- Jul 3, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 3, 2020

Coach James? Malaki ang posibilidad na pumasok sa larangan ng pagiging coach si James Younghusband matapos niyang ihayag noong nakaraang linggo ang kanyang pormal na pag-retiro sa Football matapos ang 15 taong serbisyo sa Philippine Azkals.
Sa kanyang pagiging panauhin sa palabas na Crossover kasama ang kanyang nakakabatang kapatid na si Phil, plano talaga ni James na tapusin ang kanyang obligasyon ngayong 2020 para sa Ceres Negros at tulungan ang Busmen sa depensa ng kanilang mga kampeonato sa Qatar Airways Philippines Football League (PFL) at Copa Paulino Alcantara. Subalit dahil sa pandemya ng COVID-19 ay tila napaaga ang kanyang desisyon na iligpit ang kanyang sapatos at uniporme.
Hindi talaga maaalis ang Football sa dugo ni James kaya plano niya mag-aral ng Coaching at maglakbay upang tingnan ang ibat-ibang kultura ng laro sa buong mundo. Maliban sa Inglatera kung saan siya pinanganak, maaring puntahan ang Estados Unidos dahil.ang sistema ng Football doon ay halos pareho sa umiiral ngayon sa Pilipinas.
Unang dumating bilang dalawang teenager para maglaro sa 2005 Southeast Asian Games sa Bacolod hanggang sa pag-akyat ng Azkals sa 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates, mahirap masukat ang laki ng naambag ng magkapatid sa Football. Pagkatapos ng Asian Cup ay inihayag ni Phil ang kanyang pagreretiro noong nakaraang Nobyembre.
“I think what made me and Phil, it sounds cheesy but it’s true, the Philippines is a very family-oriented country with the culture and I think having siblings work together, me and Phil grew up doing everything together like we tried all sports together,” wika ni James. “I think the reason we really chose Football was because it is a sport we got to do together and we shared it with our dad and our mom as well, we grew together as a family, sharing Football together.”
Sa ngayon, hinihintay ni James at ang bunsong kapatid na si Keri na makalipad patungong Inglatera upang dalawin si Phil, ang kanyang maybahay na si Mags at ang bagong silang na pamangkin na si Philip. Abangan ang susunod na kabanata ng mga Younghusband sa Pinoy Football.




Comments